Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 9 (PIA) – Pursigido ang lokal na pamahalaan ng Gubat na maitaas pa ang antas ng kanilang programang pangturismo.
Sinabi ni Rebecca Ermino, Tourism Officer ng bayan ng Gubat, na sa ngayon ay patuloy ang ginagawa nilang pagsisikap at ang kanilang pakikipag-usap sa mga may-ari ng iba’t-ibang mga pribadong resort at mga pinuno sa lugar ng mga destinasyong pangturismo doon upang malaman ang tourism development plan ng mga ito at mabigyan ng kaukulang tulong sakaling kailangan.
Kabilang na dito ang Rizal Beach Resort, Kalayukay Beach at Dancalan Beach kung saan nais nilang matutukan ito at higit pang mapaganda lalo na pagdating sa mga serbisyong ibinibigay sa mga dumadayong turista sa kanilang lugar.
Maliban pa sa mga ito, sinabi pa ni Ermino na isinusulong din nila ang kanilang Liang Caves na matatagpuan sa Brgy. Togawe.
Pinaninindigan na rin ng lokal na pamahalaan ng Gubat ang kanilang pagiging Surfing Capital ng Sorsogon matapos na magpakita ng positibong reaksyon at paghanga ang mga mahihilig mag-surfing na nakadayo na sa Dancalan Beach na matatagpuan sa Brgy. Buenavista, Gubat dahilan sa mga malalaking alon doon.
Maliban sa magagandang destinasyong pangturismo nito, matatagpuan din dito ang mga masasarap na pagkain tulad ng ipinagmamalaki nilang “Timitim” na gawa sa kamoteng-kahoy na hinaluan ng gata, asukal, vanilla at pili nut at ang “Kinagang” na gawa mula sa isang uri ng seashell (crayfish) na hinaluan ng murang niyog at dahon ng herba buena na binalot sa espesyal na uri ng dahon.
Ang bayan ng Gubat ay kabilang sa 2nd class municipality na may apatnapu’t dalawang mga barangay. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment