Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 26 (PIA) – Naging matagumpay ang taong 2011 para sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na dalawang malalaking grupong sangkot sa paggamit at pagbebenta ng droga ang nabuwag ng mga operatiba ng PDEA.
Sa ulat na inihayag ni PDEA Provincial Intelligence Officer Raul Natividad, sa kabila ng mga kakulangan sa kagamitan at tauhan ng kanilang tanggapan nagbunga pa rin ang kanilang pagsisikap na maipatupad ang batas laban sa ilegal na droga kung saan maliban sa pagkakabuwag ng dalawang grupong sangkot sa ilegal na droga ay naaresto din nila ang “reyna ng shabu” sa Sorsogon.
Sa tala ng PDEA Sorsogon mula Enero hanggang Disyembre, 2011, 34 sa kabuuan ang kanilang naaresto, tatlo dito ay babae habang 31 naman ay pawang mga kalalakihan.
Ibinunyag din ng datos ng PDEA at Police Provincial Intelligence Office na walumpu’t-dalawang mga barangay sa buong lalawigan ng Sorsogon ang napasok na ng ilegal na aktibidad ng droga. Sa kabuuang bilang na ito, 58 mga barangay ay kabilang sa Category II at 26 ang nasa Category III, wala namang naitalang kabilang sa Category I.
Nasa 246 katao naman umano ang sangkot sa droga kung saan 127 dito ay mga kinilalang nagtutulak ng droga at 119 naman ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na droga.
Ang Category I ay nangangahulugang seryosong apektado o ‘seriously affected’ at mayroon nang laboratoryo o warehouse ng droga. Ang Category II ay ‘moderately affected’ at mayroong pinakamababa sa isang tagatulak o trafficker, habang ang Category III naman ay ‘slightly affected’ at mayroong mga gumagamit ng droga subalit walang nagtutulak ng droga sa lugar.
Subalit ayon kay Natividad, sa kabila nito ng kanilang tagumpay ay nananatili pa rin ang kanilang giyera laban sa ipinagbabawal na gamot lalo pa’t mayroon pa rin silang naitatalang gumagamit at nagtutulak nito. (MHatoc/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment