Tuesday, January 10, 2012

Pag-isyu ng Road Worthiness Clearance sa mga operator ng traysikel nasa kamay na ng PNP


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, January 10 (PIA) – Ibinigay na ng Local Government Unit (LGU) ng Sorsogon City ang pamamahala sa pag-isyu ng road worthiness clearance sa mga operator o may-ari ng traysikel sa lungsod ng Sorsogon City Police.

Sa naging pahayag ni Sorsogon City Police OIC Chief Edgar Ardales, natanggap na umano nito noong nakaraang linggo mula kay Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda ang isang Executive Order na nag-aatas sa kanilang tanggapan na siya nang mangasiwasa sa pag-isyu ng road worthiness clearance sa mga tricycle operator upang makapamasada ang kanilang yunit  sa lungsod ng Sorsogon.

Nilinaw ni Ardales na tututukan lamang nila ang mga yunit ng traysikel na ipapasada at hindi ang mga tsuper sapagkat nakaatang sa mga balikat ng operator ang responsibilidad sa pagdisiplina sa tsuper ng kani-kanilang mga pampasadang traysikel.

Subalit sinabi ng opisyal na sakaling mapag-alaman at mapatunayan nilang walang kaukulang dokumento o lisensya ang isang namamasadang tsuper ay mapipilitan ang mga naatasan o deputadong pulis na sitahin at hulihin ang mga ito.

Dagdga pa ni Ardales na pag-aaralan din nila ang mga kadalasang suliranin sa mga yunit ng ipinapasadang traysikel sa lungsod upang matugunan ito at mamantini ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng tsuper at pasahero.

At upang hindi na mahirapan ang mga operator ng traysikel sa pagkuha ng nasabing clearance, naglagay umano sila ng road worthiness clearance desk sa Sorsogon City Police Station sa Brgy. Cabid-an.

Positibo naman ang pamahalaang panlungsod na sa kamay ng Sorsogon City Police ay mas magiging maayos at malinaw ang mga transaksyong gagawin ng mga tricycle operator sa pagkuha ng kanilang road worthiness clearance upang maipasada ang kanilang traysikel. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment