Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, January 16 (PIA) – Ipinagmamalaki ngayon ng Sorsogon 2nd District Engineering Office (S2-DEO) sa ilalim ng pamamahala ni District Engineer Jake Alamar ang pagkakahirang nito bilang Best District Engineering Office sa buong rehiyon ng Bicol sa taong 2011.
Sa mababa pa sa isang taong panunungkulan ni DE Alamar bilang pinuno ng Sorsogon 2 DEO, nagampanan nito ang papel ng isang administrador at fiscal-manager kung saan naipatupad nito ang iba’t-ibang mga reporma at pagbabago sa sistema ng operasyon at pamamalakad dahilan upang maibigay nito ang wastong serbisyong inaasahan sa kanila ng publiko.
Malaki din umano ang naiambag ng pagtutulungan ni DE Alamar at Assistant DE Romeo F. Cielo upang maisakatuparan ang mga reporma kung saan naglabas din ng mga serye ng Memorandum at mga patakaran upang maiangat pa ang kalidad ng trabaho at gawing pangunahing prayoridad ang serbisyo publiko ng bawat manggagawa ng S2-DEO.
Ang maayos at organisadong pamamahala at pagpapatupad ng mga proyekto at programa, at ang ‘output-oriented’ na uri ng serbisyong ipinamalas ng mga tauhan ng 2nd District Engineering Office ng Sorsogon mula sa may pinakamababang posisyon hanggang sa mga pinuno nito ang naging sukatan upang makamit nito ang natatanging pagkilalang ito.
Ayon kay District Engineer Alamar, lahat umano ng mga hininging rekisitos upang matugunan ang mga sukatan sa pagpili ay agaran nilang naibigay tulad ng maintainance rating, quality control, absorptive capacity at construction accomplishment na kinabibilangan ng pantay at malinaw na pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng regular na imprastruktura at iba pa.
Ang nasabing parangal ay denisisyunan ng Management Committee (ManCom) ng Department of Public Works and highways (DPWH) Central Office at personal na iniabot ni DPWH Sec. Rogelio L. Singson kay DE Alamar. Ito umano ang kauna-unahang parangal na natamo ng Sorsogon 2nd District Engineering Office.
Matatandaang naging full-pledged District Engineering Office ang nasabing tanggapan mula sa pagiging sub-district office nito noon lamang 2010 sa bisa ng RA 9689 na nilagadaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ng Deparatment Order No. 42 s. 2010 na nilagdaan naman ni DPWH Secretary Singson. (HDeri, DPWH/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment