Thursday, February 16, 2012

BIR Sorsogon inihahanda ang publiko sa mga pagbabago ng sistema nito; mga delingkwenteng tax payer pinaalalahanan

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 16 (PIA) – Sa kabila ng “back to basic” pa rin ang sistemang ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Sorsogon Revenue District Office, patuloy ito sa pagpapakilala sa publiko ng mga pagbabago sa sistema nito sa pagkolekta sa buwis upang makaagapay sa modernong panahon ngayon.

Ayon kay BIR Sorsogon Revenue District Officer Thelma Pulhin, partikular nilang tinututukan ang pagpapaabot ng impormasyon sa publiko ukol sa kanilang tax computerization program at integrated tax system sapagka’t aniya’y hindi maglalaon, ang sistemang ito na rin ang kanilang ipapatupad.

Ipinaliwanag din ni Pulhin na magiging malaking tulong ang pagkakaroon ng integrated tax system sa mga Revenue District Offices dahilan sa mas mapapabilis ang transaksyon sa panig ng mga magbabayad ng buwis, tax collection accounting, tax compliance at tax management, at decision support.

Subalit nilinaw niyang sa sitwasyon ng lalawigan ng Sorsogon sa kasalukuyan, ‘back to basic’ o balik sa manu-manong paraan ang pagpasok ng mga datos sa computer upang maayos nilang masubaybayan ang lahat ng mga pumapasok na koleksyon sa kanilang ahensya, at sa oras na maiayos na nila ito ay magiging computerized na rin ang koleksyon ng buwis dito.

Matatandaang nalagpasan ng Sorsogon Revenue District ang collection goal nito sa nakalipas na taon kung kaya’t nais nilang mamantini kung hindi man malagpasan ito.

Ngayong taon ay nasa proseso na rin sila ng paglagay ng Document Process Section kung saan gagawin ang internal control sa mga Income Tax Return (ITR).

Samantala, sinabi ni Pulhin na pinadalhan na rin nila ng preliminary at final note ang ilan sa mga delingkwenteng tax payer sa Sorsogon na may mga babayaran pa sa loob ng nakalipas na tatlong taon upang makapagsumite na ang mga ito ng kanilang ITR at mabayaran ang kulang nilang buwis.

Ayon kay Pulhin sakaling hindi pa makabayad ang mga ito sa itinakdang panahon ay mapipilitan silang kunin ang katumbas na ari-arian nito at magiging pag-aari na ng pamahalaan.

Aniya, ang hindi pagbayad ng buwis sa itinakdang panahon ang nakahahadlang sa pag-abot nila ng kanilang target na koleksyon ng buwis. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment