Friday, February 10, 2012

Dalawang grupo ng mga doktor magsasagawa ng Surgical Mission sa PHO

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 10 (PIA) – Dalawang grupo ng mga doktor ang nakatakdang magsagawa ng surgical mission sa darating na Marso ngayong taon sa pakikipagtulungan nito sa pamahalaang lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, ang unang grupo ng mga siruhano ay nakatakdang magsagawa ng operasyon sa Marso 2-4, 2012 sa pangunguna ng Association of Eurologists in the Philippines.

Ooperahan nito ang lahat ng mga kasong may kaugnayan sa kidney o bato, ureter o daanan ng ihi, bladder o pantog, prostate, hernia o luslos at penile diseases o mga suliranin sa ari ng mga kalalakihan na kailangang operahin.

Nilinaw ni Garcia na sa surgical mission ng Association of Eurologists in the Philippines, pasyente ang sasagot sa gagawing screening at eksaminasyon tulad ng x-ray, electrocardiogram o ECG, urinalysis, blood sugar examination, creatinine at iba pa kung saan ang mga resulta ay dadalhin na lamang anumang araw mula ngayon upang makita kung dapat nga silang maoperahan.

Ngunit sinabi din ni Dr. Garcia na kung talagang walang kakayahan ang pasyente na magbayad sa screening ay maaari itong sagutin ng Sorsogon Provincial Hospital (SPH) sapagkat aniya, may minimal na pondo din ang SPH para sa mga mahihirap na pasyente sa mga pagkakataong tulad nito. Maaari din umanong pumunta ang mga ito sa mga Rural Health Unit upang makakuha ng libreng screening procedures.

Binigyang-diin ni Garcia na mahalagang ma-screen ng mabuti ang pasyente upang hindi masayang ang ipinunta dito ng mga doktor at maging yaong bilang ng mga Sorsoganong makakabenipisyo nito.

Samantala, darating din sa Marso 9-15, 2012, ang grupo ng Yuchengco Group of Companies upang magsagawa din ng surgical mission kung saan tututukan nito ang general surgery o operasyon sa may mga bukol sa katawan tulad ng goiter, appendicitis, kasama na ang katarata at iba pa. Ilang mga ob-gyne din ang magsasagawa ng operasyon sa mga may kaso ng myoma, tumor, ovarian cyst, pathologies at iba pa.

Sinabi ni Garcia na sa medical mission para sa general surgery, libre ang lahat kabilang na ang screening, konsultasyon, x-ray, eksaminasyon ng dugo, gastos sa pagpapaopera at mga gamot.

Nakaiskedyul ang screening para sa surgical mission ng Yuchengco Group of Companies sa March 9-10, 2012.
Ang operasyon sa cataract ay gagawin sa March 10-11, 2012, habang ang general surgery ay nakaiskedyul sa March 12-15, 2012.

Ayon pa kay Garcia, nagkasundo na rin ang dalawang grupo at si Sorsogon Governor Raul R. Lee ukol sa kani-kanilang mga bahagi o counterpart, mga gagamiting rekurso at manpower.

Kaugnay nito hinkayat ni Garcia ang mga Sorsoganon na samantalahin ang bihirang pagkakataong ito lalo na’t ito ang kauna-unahang pagkakataong dadayo ang dalawang grupo sa Sorsogon. Aniya, malaking tulong ito sa mga residente lalo sa may mga sakit sa bato sapagkat sa Sorsogon ay iisa lamang ang eurologist na gumagawa nito at mahirap na hakbang umano ang operasyong may kaugnayan sa mga sakit sa bato kung kaya’t hindi ito basta-bastang naibibigay ng libre. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment