Tuesday, February 28, 2012

Hepe ng Casiguran at Castilla MPS tiniyak na maayos ang ‘peace and order situation’ sa kanilang nasasakupan

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 28 (PIA) – “Maayos ang pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa bayan ng Casiguran.” Ito ang naging pagtitiyak ni Casiguran Municipal Police Officer-In-Charge Police Inspector Henry Adarlo Red kaugnay ng peace and order situation sa baying nasasakupan niya.

Ayon sa opisyal, maayos ang sistema ng kanilang operasyon alinsunod na rin sa direktiba ni Sorsogon Police Provincial Director PSSupt John CA Jambora at sa mandato ng buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) sa bansa.

Sa kabila nito, hiling pa rin ni Red ang kooperasyon ng mga residente at opisyal ng barangay partikular na ang barangay lupon, na sikaping ayusin ang anumang kasong idudulog sa lebel pa lamang ng barangay upang hindi na lumala pa ito.

Inihayag din nilang mahigpit ang ginagawa nilang Police Integrated Patrol System at pagbisita sa mga barangay upang mapigilan maging ang mga maliliit na uri ng kriminalidad.

Samantala, sa bayan ng Castilla ay naging agresibo naman ang mga tauhan ng Castilla Municipal Police Station sa pagresponde sa mga illegal na aktibidad katulong ang iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan.

Sa ulat ni Castilla Municipal Police Station Police Chief Inspector Alfredo Nierva, ang mga aktibidad tulad ng illegal na pagpuputol ng kahoy, illegal na pangingisda at iba pang mga iregularidad ang ilan sa mga binigyan nila ng atensyon. Mas pinaigting din nila umano ang police visibility upang mapigilan ang pagsulpot ng anumang uri ng krimen.

Ayon kay Nierva, maganda rin ang naging relasyon ng mga kapulisan at Philippine Army lalo na sa pagkakatatag at pagpapatupad ng Barangay Defense System at maayos na koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Castilla.

Aniya, mas mapayapa na rin ngayon ang bayan ng Castilla at unti-unti na ring nabubura ang dating impresyon na pinamumugaran ito ng mga rebelde at may mataas na bilang ng kaso ng insurhensiya dito. (HBinaya/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment