Tuesday, February 21, 2012

OPAg positibong magiging ‘food self-sufficient’ ang Sorsogon sa 2016

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 21 (PIA) – Naniniwala ang tanggapan ng Provincial Agriculturist (OPAg) na magiging sagana at produktibo ang agrikultura ng lalawigan ng Sorsogon at kaya nitong sustinihan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa pagkain na hindi na kailangan pang mag-angkat ng produkto mula sa ibang lugar.

Ayon kay Assistant Provincial Agriculturist Ma. Teresa Destura, nakalatag na ang kanilang ‘rice self-sufficiency plan’sa ilalim ng Provincial Rice Self-Sufficiency Plan for 2011-2016 kung saan target nilang magkaroon ng kasarinlan mula sa mga nagsusuplay ng bigas ang lalawigan ng Sorsogon pagdating ng taong 2016 alinsunod na rin sa ipinalabas na direktiba ng Department of Agriculture (DA).

Maliban dito, tiniyak ni Destura na may nakahanda silang ‘food security self-sufficiency plan’ upang hindi lamang sa lahat ng pagkakataon ay nakadepende sa bigas ang mga taga-Sorsogon bilang pangunang pagkain nito, kundi turuan din ang mga mamamayan na pag-aralan ang pagkain ng mga alternatibong pagkaing pamalit sa bigas tulad ng kamote, gabi, saging, mais at iba pang mga kahalintulad na produktong agrikultural.

Ayon pa kay Destura, inihanda nila ang Provincial Rice Self-Sufficiency Plan for 2011-2016 ng Sorsogon upang mabigyan ng napapanahon at komprehensibong pagtataya ang sitwasyon ng bigas at makagawa ng rice self-sufficiency at food security road map para sa lalawigan ng Sorsogon.

Idinagdag pa ni Destura na malaking tulong din sa mga magsasaka ang inilagay na mga Automatic Weather Station (AWS) ng Department of Agriculture sa ilalim ng Enhancing Livelihood Resilience through Climate Risk Management in Agri and Fishery Project nito partikular sa barangay Bagacay, Ariman at Rizal sa bayan ng Gubat, Sorsogon kung saan tinuruan ang mga opisyal at residente ng barangay ukol sa weather forecasting, tamang pagtatanim ayon sa kalagayan ng panahon at paggamit ng tinatawag na ‘early maturing seed’ upang hindi maapektuhan ang kanilang produksyon.

Aniya, sa pamamagitan nito ay matitiyak ang magandang ani ng mga produktong agrikultural ng mga magsasaka lalo pa’t isa sa mga inirereklamo ng mga ito ay ang epekto sa pagsibol at produksyon ng mga pananim sanhi ng patuloy na pag-uulan at pabagu-bagong panahon sa kasalukuyan. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment