Thursday, February 2, 2012

Pamahalaang Lalawigan ng Sorsogon pasado sa Gawad sa Mahusay na Pamamahala

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 2 (PIA) – Sa pagpasok ng taong 2012, sinalubong kaagad ng magandang balita ang pamahalaang lalawigan ng Sorsogon matapos na matanggap nito ang impormasyon mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) na nagsasabing nakapasa ito sa Seal of Good Housekeeping o Gawad sa Mahusay na Pamamahala.

Sa liham na pirmado ni DILG Sorsogon Provincial Director Ruben Baldeo, ipinapaabot nito ang pagbati sa pamahalaang probinsyal ng Sorsogon sa pagkakapasa nito sa Seal of Good Housekeeping at sa pagiging kwalipikado nito bilang benepisyaryo ng P15 milyon mula sa Local Government Support Fund.

Ayon kay Baldeo, ang nasabing halaga ay gagamitin bilang kapital at pandagdag sa aprubadong 2012 Annual Investment Program (AIP) para sa pagpapatupad ng alinman o kumbinasyon ng alinman sa mga sumusunod na proyekto: pagpapailaw sa mga barangay, paggawa ng mga kalsadang kokonekta sa mga pambansang lansangan at mga pangunahing farm-to-market road at mga tulay, local economic enterprise, flood control at drainage, at upang suportahan ang mga prayoridad na programa ng pamahalaang nasyunal.

Kabilang sa mga prayoridad na programa na ito ay ang Millennium Development Goal (MDG) kung saan nakapaloob dito ang pagtatayo ng mga pre-school, kindergarten school o day care center, paggawa ng water supply at drainage system, pagbili ng mga kagamitang medikal, pagtatayo o pag-aayos ng mga rural health unit at birthing center.

Kasama din sa prayoridad na programa ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 na kinapapalooban naman ng rehabilitasyon at paggawang muli ng mga nasirang gusali ng paaralan, irrigation system, flood control, kalsada at mga tulay sa lugar na naapektuhan ng kalamidad, basic emergency response equipment at pagbibigay tulong sa mga nabiktima ng kalamidad.

Prayoridad na programa din ang Solid Waste Management Act of 2000 na kinapapalooban ng pagtatayo, rehabilitasyon at pagpapalawak pa ng Material Recovery Facility (MRF), subalit hindi kasama dito ang pagbili ng mga trak na ginagamit sa paghakot ng mga basura.

Ayon kay Sorsogon Provincial Management Office Executive Director Sally A. Lee, matapos nilang matanggap ang liham ay agad silang nagsumite ng iba pang mga dokumentong hiningi ng DILG upang tuluyan nang maibigay sa pamahalaang panlalawigan ang benepisyong nauukol dito kaugnay ng pagkakapasa nito sa Seal of Good Housekeeping.

Tiniyak din niyang higit pang paghuhusayan ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon ang maayos na pamamahala lalo na’t nakikita nila ang buong suporta ng iba’t-ibang mga departamento ng provincial government, mga ahensya ng pamahalaan dito, at maging ng mga non-government organization. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment