Friday, February 17, 2012

Pantay at mapagkakatiwalaang proseso ng impeachment trial, panalangin ng IBP-Bicol


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 17(PIA) – Sa mahigit dalawang linggo nang itinatakbo ng impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, ipinapanalangin ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Bicol ang patuloy na pagkakaroon ng pantay at mapagkakatiwalaang proseso ng pagdinig nito.

Ayon kay IBP Bicol Governor Judge Leonor Gerona-Romeo, kaisa sila ng buong pwersa ng Integrated Bar of the Philippines sa bansa sa panalangin na nawa’y manaig ang katotohanan at masunod ang prosesong naaayon sa isinasaad ng Saligang Batas ng Pilipinas.

Aniya, walang dapat na maging argumento sa pagitan ng pulitikal at konstitusyunal na proseso ng pagdinig sapagkat ang impeachment process ay parehong pulitikal at konstitusyunal. Sa proseso ng impeachment ngayon, pinangungunahan ito ng pulitikal na sangay ng pamahalaan, at konstitusyunal din ito sapagkat isa itong mekanismo para sa public accountability na mismong nakapaloob sa konstitusyon.

Mariin din niyang inihayag na walang lugar sa impeachment trial ang political partisan dahilan sa walang dapat na panigan ang sinuman, partikular ang mga itinalagang Senator Judges sa pagdinig.

Dagdag pa niyang ang IBP, bilang tagapagbantay ng batas at demokrasya, patuloy sa panalangin na maging maayos at mapayapa ang sa ngayo’y kritikal na pinagdadaanan ng demokrasya sa bansa.

Kaugnay nito naglunsad na rin umano sila ng IBP Impeachment Watch at IBP Impeachment Communications Group upang patuloy na mabigyang kaalaman ang publiko.

Nanawagan din si Romeo sa mga Pilipino na makiisa sa kanilang panalangin at pagnanais na magkaroon ng patas at kapani-paniwalang proseso ayon sa tinatawag na “rule of law”. (HBinaya/BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment