Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Pebrero 16 (PIA) – Magandang balita para sa mga organisasyon ng magsasaka sa bayan ng Bulusan ang inihayag ni Chief of Agrarian Reform Program Office – Beneficiaries’ Development Coordinating Division (CARPO-BDCD) Lucy Vitug matapos na dumalo ito sa isinagawang Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) kamakailan sa lungsod ng Legazpi.
Ayon kay Vitug, isa na namang proyekto mula sa Agrarian Reform Fund na ibibigay sa mga organisasyon ng magsasaka ang naaprubahan at ipapatupad sa Agrarian Reform Community (ARC) ng Bulusan. Ang proyektong ARCCESS ay personal umanong iniabot sa kanya ni Ginoong Rod Santos, ang National ARCCESS Program Officer mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) Central Office.
Ayon naman kay Provincial Agrarian Reform Officer II Roseller Olayres, ang ARCCESS ang pinaka-komprehensibong tulong na magagawa ng DAR para sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform. Sa proyektong ito, hindi lamang nila umano tinutulungan ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na mapaayos ang kanilang produksyon kundi tinutulungan din nila ang mga ito na maging mga negosyanteng magsasaka o entrepreneurs.
Dagdag pa ni Santos na upang makamit ito, tinutulungan nila ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpapalawak pa ng kanilang mga kaalaman ukol sa pagsasaka nang sa gayon ay mapakinabangan nila nang lubos ang panahon ng pagtatanim.
Aniya, hindi lamang makapagpapataas sa kanilang produksyon ang pagpapakilala sa magsasaka ng mga kagamitang pansaka kundi magbibigay pa sa kanila ng mataas na ipon at makakatipid din sila sa oras sapagkat sa halip na magtanim sa loob ng labinlimang araw ay magagawa na nila ito sa loob lamang ng isang linggo. Mas malaki din ang matitipid nila sa paggamit ng mga post-harvest facilities tulad ng thresher at solar dryer.
Malaking tulong din umano ang mga farm-to-market road sa pagbabyahe ng mga produkto, sapagkat kung wala ito, aabot din sa 20 porsyento ang nasasayang na mga produkto sa byahe pa lamang.
Nabuo ang proyektong ARCCESS matapos lumabas na kakulangan sa organisasyon at hindi ang pamamahagi ng lupa ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagbaba sa ekonomiya at pagkawala ng mga benepisyo sa agrikultura.
Ang proyekto ay para sa mga organisasyon kung saan kasapi ang mga benepisyaryo ng Agrarian Reform na nagnanais matuto mula sa mga Professional Service Providers at nais makakuha at gumamit ng mga pangkalahatang pasilidad sa kanilang pagnenegosyo.
Ang professional service provider na tinutukoy at inakredit ng DAR noong Disyembre 2011 hanggang Enero ngayong taon ay ang mga State Universities at State Colleges, Fiber Industry Development Authority, Department of Science and Technology, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Agriculture, mga Non-Government Organization, People’s Organization, kooperatiba, Microfinance Institution, at pribadong sektor.
Tutulungan nito ang mga ARB na matuto ng business etiquette, marketing assistance, accounting o financial management, regulatory compliance, bank loan, credit fund at guarantee program, negosasyon at iba pang mga pamamaraan upang mapataas ang kanilang kapasidad at kasanayan ukol sa pagnenegosyo. (AJArbolente, DAR/BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment