Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 6 (PIA) – Naging matagumpay ang ginawang simpleng pagdiriwang ng World Wetlands Day sa Sorsogon noong Huwebes, February 2, kung saan isang coastal at aquatic clean-up drive ang ginanap sa Pier Site sa lungsod ng Sorsoogn.
Ayon kay Police Senior Inspector Ruel M. Pedro, Command Duty Officer ng Sorsogon Police Provincial Office (SPPO), aktibong nilahukan ang aktibidad ng mga kapulisan mula sa SPPO, mga tauhan ng Sorsogon Public Safety Company (SPPSC) at mga kapulisan mula sa Sorsogon City Police Station.
May temang “Wetland and Tourism – a great experience”, pinangunahan ng Community Environment and Natural Resources (CENRO) ang ginawang hakbang-paglilinis na siyang naging pinakatampok na aktibidad ngayong taon.
Ang World Wetlands Day ay ipinagdiriwang tuwing ika-2 ng Pebrero taon-taon hindi lamang sa bansa kundi sa buong mundo bilang paggunita sa anibersaryo ng pagpirma sa Convention on Wetlands of International Importance o Ramsar Convention na ginanap sa Ramsar, Iran noong Pebrero 2, 1971.
Ginagawa ito upang mapataas ang kamalayan ng publiko ukol sa halaga at benepisyo ng mga ‘wetlands’ at maisulong ang pangangalaga at tamang paggamit nito. Malaki din umano ang potensyal nito upang makapagbigay ng pagkakakakitaan sa mga lokal na residente at maisulong ang ekonomiya ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng lokal na turismo tulad ng boating, fishing at bird watching.
Ang ‘wetland’ ay isang matubig na lugar na pinamumugaran o tinitirhan ng mga hayop at halaman na sadyang angkop sa katubigan. Madalas ang mga ‘wetland’ ay dinadayo ng mga ibon mula sa ibang bansa tulad na lamang ng sa Prieto Diaz, Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment