Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 29 (PIA) – Umaabot sa 24,563 board feet ng mga nakumpiska nilang kahoy ang ipinagkaloob na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Departement of Education Regional Office 5 sa pagnanais ng ahensya na masuportahan ang pagpapaayos ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan sa rehiyon.
Ang mga pasilidad ay kinabibilangan ng mga upuan, mesa, silya at pati na rin ang mga ginamit sa pagpapayos ng iba pang kagamitan sa paaralan.
Ayon kay DENR regional executive director Joselin Marcus Fragada, apatnapung mga paaralan sa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon ang natulungan na nasabing donasyon mula noong Nobyembre 2011.
Matatandaang una nang inihayag ni DENR Secretary Ramon Paje na aabot na sa 54,303 pirasong kasangkapang kailangan ng mga paaralan ang nagawa mula sa mga hindi dokumentadong troso at kahoy na nakumpiska ng DENR.
Nasa kabuuang 12.06 milyon board feet naman ng mga hindi dokumentadong produkto mula sa kabundukan ang nakumpiska ng DENR kung saan pitong milyon dito ang pinanday at ginawang 48,620 na mga silya, 4,777 na desk, 660 na mesa, 132 na aparador, 98 na upuan at 16 na lagayan ng mga libro. (RMendones, DENR/BAR, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment