Tuesday, March 13, 2012

AFP Chief of Staff mainit na sinalubong ng mga Sorsoganon; katatagan at pagkakabuklod ng pamilyang Sorsoganon ipinagmalaki ni Lt. Gen. Dellosa


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 13 (PIA) – Naging mainit ang pagtanggap kahapon sa Provincial Gymnasium ng mga Sorsoganon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Jessie D. Dellosa sa isinagawang parangal at pagkilala sa kanya bilang isang tunay na dugong Sorsoganon.

Kasama ng opisyal ang kanyang maybahay at iba pang mga matatas na opisyal ng AFP, Philippine National Police at ng lokal na pamahalaan ng Sorsogon. Naroroon din ang mga malalapit na kamag-anak at grupo ng mga Bacongnon na nakiisa sa ginawang aktibidad.

Matapos ang mga paunang aktibidad ay ibinigay ni dating gobernador Sally A. Lee ang welcome remarks habang ipinakilala naman si Lt. Gen. Dellosa ng kanyang pinsang si Honore Jordan.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Lt. Gen. Dellosa sa mainit na pagsalubong at sa pagbigay sa kanya ng mataas na respeto, parangal at pagkilala ng mga Sorsoganon at sinabing magsisilbi itong inspirasyon sa kanya at sa kanyang pamilya sa mga hamong darating pa sa kanila sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Chief of Staff.

Pinuri nito ang katatagan, katapangan at lakas ng loob ng mga Sorsoganon lalo sa pagharap sa iba’t-ibang uri ng kalamidad na aniya’y naka-ugat sa pagkakaisa, tulungan at pagmamahal ng bawat kasapi ng pamilya na siyang nagbibigay-lakas upang muling makabangon mula sa mga pagsubok na kinaharap. Ang mga ugaling ito umano ang dahilan upang ipagmalaki niya ang kanyang pagiging Sorsoganon at ikinagagalak din niyang mapabilang sa mga “oragon”, isang pagkakakilanlan ng mga Bikolano na ang ibig sabihin ay “talagang magaling”.

Binalikan din niya ang karanasan at alaala ng kanyang maikling panahong inilagi sa Sto. Domingo, Bacon, Sorsogon kung saan siya ipinanganak bago sila lumipat ng Lucena City.

Nangako naman si Lt. Gen. Dellosa sa mga Sorsoganon na lalo niyang pagbubutihin ang kanyang mga ginagawa upang maging karapat-dapat sa ibinigay na parangal sa kanya partikular ang pagpapatuloy ng reporma at pagsugpo sa mga katiwalian sa AFP at tpagtuldok sa rebelyon upang makamit ang tunay na kapayapaan at pag-unlad ng bansa.

Sa abot umano ng kanyang makakaya bilang Chief of Staff ay tinitiyak niyang gagawin niya ang lahat upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa bansa upang maisulong ang pag-unlad ng ekonomiya.

Kailangan din aniyang masolusyunan ang mga pinag-uugatan ng kahirapan kung kaya’t hiningi niya ang tulong ng mga lokal na opisyal at ng mga Sorsoganon. Hindi aniya ito magagawang mag-isa ng AFP, ang kailangan ay tulungang pagsisikap ng bawat isa.

Matapos ang mensahe ng Chief of Staff ay binasa ni League of Municipalities of the Philippines Sorsogon chapter president at Barcelona Mayor Manuel Fortes, Jr. ang isang resolusyong naghahayag ng mataas na parangal at pagkilala sa AFP Chief of Staff bilang lehitimong anak ng lalawigan ng Sorsogon.

Binasa naman ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Secretary William Delgado ang resolution ng SP na naghahayag ng mataas na pagkilala at pagpupugay kay Lt. Gen.Dellosa dahilan sa pagkakatalaga dito bilang Chief of Staff ng AFP at sa mga natatanging kontribusyon nito sa Sandatahang Lakas ng bansa partikular sa mga reporma nito laban sa katiwalian sa loob ng ahensya at sa pagsisikap nito na matuldukan ang insuhensiya upang makamit ang tunay na kapayapaan at pag-unlad ng bansang Pilipinas.

Naghayag din ng maikling mensahe si Sorsogon Governor Raul R. Lee bago iniabot sa chief of staff ang plaque of appreciation, habang nag-abot naman ng regalo ang pamahalaang panlungsod kay Lt. Gen. Dellosa sa pangunguna ni Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda.

Matapos ang maikling programa at picture taking, ay agad nang nagkaroon ng press conference upang bigyang pagkakataaon ang mga kasapi ng media na makapagtanong sa AFP Chief of Staff.  (BARecebido, PIA Sorsogon)




No comments:

Post a Comment