Monday, March 5, 2012

BFP-Sorsogon City inilatag ang mga aktibidad ngayong Marso

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 5 (PIA) – Sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong Marso sa ilalim ng temang “Makialam, Makiisa, Makipagtulungan upang Sunog ay Maiwasan,” mahigpit ang panawagan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na maging higit na alerto at pag-ibayuhin ang pag-iingat lalo’t mas madalas makapagtala ng mga insidente ng sunog sa mga ganitong buwan hanggang sa kabuuan ng summer season.

Kaugnay nito, sinabi ni Sorsogon City Fire Marshal Senior Inspector Walter B.Marcial na nakalinya ang kanilang mga aktibidad na hindi lamang magpapataas ng kaalaman ng publiko ukol sa pag-iwas sa mga insidenteng maaaring pagmulan ng sunog kundi maging mga aktibidad na magbibigay-daan upang makilala ng publiko ang Bureau of Fire Protection bilang isang ahensyang pangkaligtasan ng pamahalaan at upang maipakita rin sa publiko na ang serbisyo at mandato ng mga bumbero ay hindi lamang limitado sa mga pangyayaring may kaugnayan sa sunog.

Matatandaang sa pagbubukas ng buwan ng Marso ngayong taon, pinangunahan ng BFP ang isang motorcade, pagsasabit ng mga streamer at pamamahagi ng safety tips flyers.

Ang Sorsogon City Central Fire Station ang siyang nangasiwa sa ginanap na simultaneous fire at earthquake drill sa Sorsogon College of Criminology, Inc. kung saan isangdaang mga mag-aaral ang lumahok dito na sumailalim sa “Duck, Cover and Hold” demonstration. Isinagawa ito matapos marinig ng mga mag-aaral ang tunog ng bell na nagsilbing hudyat ng pagkakaroon ng kalamidad kung saan agad na lumikas ang mga mag-aaral patungo sa designadong bukas at ligtas na lugar.

Ilan sa mga ito ang nagsagawa ng kaukulang first aid sa mga kunyari’y nasaktan habang ang ilan sa mga piling mag-aaral ang rumisponde at umapula sa apoy.

Ang Sorsogon City Fire Sub-station I sa Bacon District naman ang nanguna sa humigit-kumulang walongdaang mga mag-aaal sa Bacon East Central School habang ang Sorsogon City Sub-station 2 sa Brgy. Abuyog ang nangasiwa sa pagsasailalim sa humigit-kumulang na animnaraan-apatnapung mga mag-aaral sa Abuyog Central School sa ginawang fire at earthquake drill sa kaparehong araw.

Matapos ito ay nagbigay ng obserbasyon, komento at rekomendasyon ang mga tauhan ng BFP. Anila’y higit kaninuman ay dapat na magsimula sa mismong mga apektado ang unang hakbang ng pagliligtas sa kani-kanilang mga sarili sapagkat inaasahan nang bago pa man dumating ang mga bumbero ay naganap na ang insidente o kalamidad.

Samantala, inilatag din ni Marcial ang iba pang mga aktibidad na isasagawa nila sa buong buwan ng Marso ngayon na kinabibilangan ng serye ng mga programa sa radyo na tinagurian nilang “Bumbero sa Radyo”, Barangay Ugnayan, fire prevention seminar sa ilang mga paaralan at kompanya sa lungsod, fire safety inspection sa mga establisimyento, inspeksyon at pagpipintura sa mga fire hydrants, open house, fire truck visibility, Gawad Kalinga feeding program, tree planting at blood letting activity.(BARecebido, PIA Sorsogon)

Fire and Earthquake Drill. Some 100 students of the Sorsogon College of Criminology, Inc. do the “Duck, Cover and Hold” demonstration during the conduct of 2012 1st Quarter Simultaneous Fire and Earthquake Drill spearheaded by the Bureau of Fire Protection – Sorsogon City on March 1, 2012. (BFP/PIA Sorsogon)  

Fire and Earthquake Drill. Some students of the Sorsogon College of Criminology, Inc.  performed first aid to the “victims of fire” during the 2012 1st Quarter Simultaneous Fire and Earthquake Drill conducted on March 1, 2012 at the same school. (BFP/PIA Sorsogon)
Fire and Earthquake Drill. BFP Sorsogon City firefighters show to Sorsogon College of Criminology, Inc. students, teachers and personnel how to suppress fire and the proper application of first aid to fire victims, held during the 2012 1st Quarter Simultaneous Fire and Earthquake Drill on March 1, 2012. (BFP/PIA Sorsogon)
Personnel of the Bureau of Fire Protection Sorsogon City headed by SInsp Walter B. Marcial shared observations, comments and recommendations for better practice in case real eventualities such as fire, earthquake and related incidences occur, during the 2012 1st Quarter Simultaneous Fire and Earthquake Drill held at the Sorsogon College of Criminology, Inc. on March 1, 2012. (BFP/PIA Sorsogon)





No comments:

Post a Comment