Wednesday, March 14, 2012

DENR Bicol target na matamnan ang 12,000 ektaryang kabundukan ngayong taon


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 14 (PIA) – Bilang pagpapaigting pa ng National Greening program ng pamahalaang nasyunal, isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Bicol katulong ang Departmentof Agriculture (DA) at ang iba’t-ibang mga sektor ng komunidad na makapagtanim ng puno ng kahoy sa 12 libong ektarya ng bakante at nakakalbo nang mga kabundukan ngayong taon.

Ayon kay Regional Public Affairs Officer Ruby Mendones ng DENR, sa target na 12, 057 ektarya ng kabundukan, tataniman ng DENR ang 8, 034 ektarya ng 4,384, 900 puno ng kahoy habang ang DA naman ay nakatakdang magtanim ng 2,212,925 na puno ng kahoy sa 4,024 na ektarya ng kabundukan.

Sa kabuuang 6,597,825 na itatanim na puno, 90 porsyento ang inaasahang survival rate ayon sa Forest Management Service (FMS).

Nahahati din ang mga pagtatanimang lugar sa mga sumusunod: community managed areas – 9,447 ektarya na tataniman ng 4,028,500 binhi; protected areas – 1,614 ektarya ng 807,000 binhi; mangrove areas – 100 ektarya ng 444,000 binhi; at urban areas – 263 ektarya na tataniman ng 105,000 binhi. Karamihan sa mga binhi ay indigeneous tree species o mga puno ng kahoy na natural na tumutubo sa Kabikulan.

Sa pagpapatupad naman ng NGP mula 2012 hanggang 2016,  nasa kabuuang 75,000 ektarya  ang target na mataniman ng DENR Bicol kung saan itatanim dito ang mga sumusunod na uri ng puno: timber – 15,000 ektarya; fuel wood – 20,000 ektarya; pili – 24, 000 ektarya; kape – 4,000 ektarya; cacao – 4,000 ektarya; bamboo o kawayan – 2,500 ektarya; rattan – 500 ektarya at mangrove – 2,500 ektarya.

Positibo naman si DENR Regional Executive Director Joselin Marcus Fragada na sa tulong ng DA at ng iba-ibang mga sektor ay makakamit. Tiniyak din niya nitong Enero lamang ay nakakalat na ang mga tauhan ng Forest Management Services sa mga lugar na target pagtaniman.

Ayon kay Fragada, nagsasagawa na rin ng surveillance and monitoring plan ang mga tauhan ng FMS at inaasahang matatapos ang mapa ng mga piling lugar bago matapos ang Marso ngayong taon. Ipinaliwanang niyang ginagawa ito upang mas maagang mapag-aralan ang mga target na lugar nang sa gayon ay bago pa dumating ang panahon ng pagtatanim ay nakahanda na ang mga lugar na pagtatamnan.

Samantala, inihayag ni Fragada na mas bibigyang prayoridad sa NGP ngayong taon ang pagtatanim ng pili at paghikayat sa mga Bikolano na paramihin pa ang mga puno ng pili sa pamamagitan ng pagtatanim nito. (RMendones, DENR/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment