Monday, March 19, 2012

Pagrepaso sa Claim Folder ng mga ARBs isinagawa ng DAR


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 19 (PIA) – Upang malaman ang kasalukuyang kalagayan ng Claim Folder ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), nagsagawa kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng tatlong araw na pagrepaso ng mga Claim Folder na tinagurian nilang CF’s Day.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer II Roseller Olayres, naging aktibidad sa CF’s Day ang pagsasagawa ng inventory ng mga pag-aaring lupa at pagrepaso sa mga ito na magiging basehan upang makabuo ng mga natatanging rekomendasyon na magpapataas pa sa antas ng serbisyo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang Claim Folder sa naging pagpaliwanag ni Assistant Regional Director for Operations ng DAR Region V Atty. Miguel Gracilla, ay kabuuan ng pinagsamang mga dokumentong kailangan para sa pagkuha ng Certificate of Landownership Award (CLOA). Ang CLOA ay titulo ng lupa na iginagawad sa isang Agrarian Reform Beneficiary.

Sa rehiyon ng Bicol, isa ang Sorsogon sa may mga malalaki pang natitirang Land Acquisition and Distribution (LAD) na dapat na maibigay sa mga kwalipikadong magsasaka. Subalit karamihan sa mga lupaing ito ay may mga suliraning kailangang respondehan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Department of Justice (DOJ).

Ngunit dahilan sa ipinag-uutos ng RA 9700 o ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms na mas kilala bilang Carper Law na dapat na matapos ang LAD hanggang sa 2014, kung kaya’t pinagsisikapan ng DAR sa ilalim ng administrasyon ni Sec. Virgilio Delos Reyes na makita ang kalagayan ng bawat claim folder upang malaman ang posibilidad kung maipamamahagi ito sa mga benepisyaryo sa itinakdang panahon.

Ang 3-day Claim Folder review ay dinaluhan ng mga Municipal Agrarian Reform Officer at ng Provincial at Municipal technical personnel kasama ng kani-kanilang mga encoder.

Inaasahang matapos ang ginawang pagrepaso ay mas mapapabilis ang pagpoproseso ng pamamahagi ng mga lupain upang tuluyan na itong maging pagmamay-ari ng mga ARBs. (AJArbolente, DAR/BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment