Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 22 (PIA) – Bilang tugon ng pamahalaang lokal ng lungsod ng Sorsogon sa kahilingan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maisadokumento ang lahat ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa, nakikipag-ugnayan ngayon ang Sanggniang Panlungsod sa mga kapitan ng animnapu’t-apat na mga barangay sa buong lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Sorsogon City Councilor Aldin Ayo, upang maisadokumento ng tama ang mga Sorsoganong nagtatrabaho sa ibang bansa, minabuti nilang makipag-ugnayan sa mga kapitan ng barangay upang matukoy kung sinu-sino ang mga OFWs sa kanilang lugar lalo na’t ang mga kapitan ng barangay ang higit na nakakaalam ng profile ng mga residente nila sa kanilang lugar.
Si Councilor Ayo ang binigyan ng kapangyarihan ng 4th Sorsogon City Council na mangasiwa sa pagsasadokumento at sa paghahanda para sa iminumungkahing pagpapatawag ng OFW assembly ng mga taga-lungsod sa hinaharap.
Maliban dito ay balak din nilang bumuo at makapagpasa ng mga ordinansang makakatulong sa kapakanan ng mga taga-lungsod na OFWs.
Nanawagan din sila sa mga OFWs o sa mga kamag-anak nito na makipag-ugnayan sa kapitan ng barangay kung saan sila nakatira upang ibigay ang mga datos na kailangan para sa pagdodoumento ng mga OFWs partikular yaong naroroon sa mga lugar o bansang hindi gaanong kilala. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment