Ni: Bennie A. Recebido
Lungsod ng Sorsogon, Marso 7 (PIA) – Sinimulan ng Department of Agrarian Reform ang taong 2012 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng serye ng mga pagpupulong at pagsasanay upang matukoy at mailatag ang mga prayoridad ng iba’t-ibang mga programa ng DAR ngayong 2012.
Una na rito ay ang pagpapatawag ni Provincial Agrarian Reform Officer II Roseller R. Olayres ng Land Tenure Improvement (LTI) conference na sinundan ng Problem Solving Session. Ayon kay Olayres, sa pamamagitan nito ay nailatag ang prayoridad ng LTI partikular sa pagpoproseso ng mga lupaing may problema. Karamihan umano sa Land Acquisition and Distribution (LAD) target nila ay mga problemadong lupa.
Aniya, maging ang Agrarian Justice Delivery (AJD) ay kabilang din sa mga pinagtutuunan ng pansin ng LTI sapagkat maliban sa mga suliraning may kaugnayan sa survey, may mga lupain ding nagangailangang dumaan pa sa korte.
Sa panig naman ng Program Beneficiaries Development (PBD), abala din ang Beneficiaries Development Coordinating Division (BDCD) sa pgasasagawa ng mga pagsasanay ukol sa pagbabago ng panahon o climate change. Ang mga teknolohiya sa agrikultura ayon sa uri ng pananim ay isa rin sa mga isyung pinaghandaan nila.
Iminungkahi naman ni Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Lucy Vitug ang osang in-house training o di kaya’y pagsasanay sa pamamagitan ng radyo para sa target na 10,000 trainees. Maliban dito, prayoridad din ng PBD ang Agrarian Reform Communities Project 2 (ARCP2).
Samantala, kamakailan lamang ay binisita ni DAR Regional Dir. Homer Tobias ng Region 1 ang Sorsogon at hinikayat ang mga alkalde ng lalawigan na magsumite ng kanilang mga proyektong pang-agraryo hanggang sa ika-30 ng Marso, 2012 sapagkat sakaling maaprubahan ito bago matapos ang Marso ay mailalabas na ang Special Allotment Release Order (SARO) sa buwan ng Abril ngayong taon. (AJA, DAR/BARecebido, PIA Sorsogon)
ARCP2 PPO/LPOs conference with DAR Region 1 Regional Dir. Homer Tobias. (DAR/PIA Sorsogon) |
No comments:
Post a Comment