Thursday, March 15, 2012

Protest rally nakatuon sa patuloy na pagtaas ng halaga ng petrolyo

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Marso 15 (PIA) – Sa halip na sumabay ang mga nasa sektor ng transportasyon dito sa isinasagawang transport strike sa kalakhang Maynila, isang march protest at caravan ang ginagawa ngayon sa Sorsogon sa pangunguna ng mga militanteng grupo dito sa lalawigan.

Sa ginawang paglilinaw ni Condor Piston Bicol Spokesperson Ramon Escobilla, ang Nationwide Transport Strike na nagaganap sa buong bansa ngayon ay isa lamang Nationwide Protest Rally at walang magaganap na tigil pasada sa ilang mga lalawigan kasama na ang Sorsogon.

Ito umano ay isa lamang pagpapahayag ng kanilang panawagan upang pukawin ang atensyon ng pamahalaan kaugnay ng walang tigil na pagtaas ng halaga ng petrolyo.

Sa pamamagitan ng caravan, magsasagawa sila ng pagpapaliwanag sa mga terminal ng bus, jeep at traysikel ukol sa kanilang iipinaglalaban lalo ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law at pagtanggal sa buwis sa langis. Mamahagi rin sila ng mga fliers sa bawat munsipyo na kanilang mapupuntahan.

Sinabi pa ni Escobilla na kahit tila suntok sa buwan ang kanilang panawagan, hindi sila nawawalan ng pag-asang maipanalo ang kanilang laban sa tulong ng publiko at mga kongresista lalo pa’t hindi lamang umano ito laban ng mga nasa sektor ng transportasyon kundi laban din ng lahat na gumagamit ng mga produktong petrolyo. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment