Monday, April 23, 2012

Bilang ng turistang dumadayo sa Sorsogon patuloy na tumataas; Eco-tourism isinusulong

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 23 (PIA) – Kinumpirma ni Sorsogon Provincial Tourism Officer Cris Racelis na nakapagrehistro ang lalawigan ng Sorsogon ng 132,696 na mga turista noong nakaraang taon. Aniya, 21,000 ng bilang na ito ay mga banyagang turista habang ang natirang bilang ay pawang mga lokal na turista. Ang karamihan sa mga turistang dumayo sa lalawigan ay naitala sa panahon ng bakasyon.

Ayon kay Racelis kung ikukumpara ito noong 2010 kung saan nakapagtala ang lalawigan ng 101,000 na kabuuang bilang ng mga turista, tumaas naman ng 30.35 porsyento ang istatistika noong nakaraang taon. Aniya, malayo pa man kung ihahambing sa mga lalawigan ng Albay at Camarines Sur, subalit masasabing unti-unti na ring umaasenso ang turismo sa Sorsogon.

Mula naman noong Enero hanggang katapusan ng Marso ng kasalukuyang taon ay umabot na sa halos 10,000 ang bilang ng mga turistang naitatala sa bayan lamang ng Donsol kung kaya’t positibo si Racelis na higit pang tataas ang bilang ng mga turistang dumadayo sa Sorsogon ngayong 2012 kumpara sa nakalipas na dalawang taon.

Binigyang-diin ni Racelis na taliwas sa isinusulong na “high-end tourist attractions” sa ibang lalawigan ng Bikol, noong 2009 ay sinimulan nang pag-tutuunan ng pansin at isulong ng Sorsogon ang eco-tourism na maliban sa naglalayong mapangalagaan ang natural na yaman ng lalawigan, magsisilbi rin itong natatanging marka at kaibahan ng Sorsogon kumpara sa ibang mga destinasyong panturismo sa rehiyon.

Matatandaan ding una nang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ang Environmental Code na siyang magiging batayan upang maisulong ang pangangalaga at pagmamantini sa kalikasan, kapaligiran at natural na yaman ng Sorsogon.

Mahigpit ding isinulong ni dating gobernador Sally Lee noong naninilbihan pa siya bilang gobernador ng Sorsogon na sa kabila ng pagpapatupad ng modernisasyon sa lalawigan ay hindi dapat na maisakripisyo ang likas na yaman at ganda ng Sorsogon.

Sa pamamagitan ng eco-tourism ay hinihikayuat ang pagtatatag ng community-based rural tourism kung saan ang bawat komunidad ay manginginabang sa mga programang ipapakilala ng pamahalaang lalawigan.

Patuloy din ang pagbibigay ng kaukulang kaalaman at kasanayan sa mga residente sa mga pamayanan upang siya na ring maging tagapangasiwa ng serbisyong maaari nilang maibigay sa mga dadayong turista sa kanilang lugar. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment