Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 19 (PIA) – Patuloy pa ring hinihikayat ni Gubat Municipal Mayor Ronnel Lim ang mga Gubatnong nais gamitin ang kanilang bakasyon sa produktibong paraan na boluntaryong sumali sa inilunsad nilang programa, ang Municipal Reading Recovery Program.
Ang Municipal Reading Recovery Program ay sinimulan nang ipatupad ngayong buwan ng Abril at magtatagal hanggang sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Lim, isa itong programa para sa mga batang hindi pa marunong magbasa o kaya’y kinakailangan pang linangin ang kanilang kakayahan na magbasa.
Aniya, ang programa ay binuksan nila para sa mga Gubatnon na nakatira sa Sorsogon o yaong balak magbakasyon sa bayan ng Gubat ngayong summer na nais magboluntaryo at nais ibahagi ng libre ang kanilang serbisyo at kakayahan upang matuto sa pagbasa ang mga kabataan sa kanilang lugar.
Ang programang ito ng lokal na pamahalaang bayan ng Gubat ay bahagi din ng kanilang pagpupugay sa tanyag na manunulat ng Gubat na si Delfin Fresnosa.
Mayaman din ang bayan ng Gubat pagdating sa kultura at sining kung saan ilang mga Gubatnon na rin ang naging tanyag hindi lamang bilang manunulat kundi bilang stage performer, historian at cultural worker.
Ang mga interesadong magboluntaryo ay magsadya lamang umano sa tanggapan ng Municipal Mayor upang malaman ang iba pang detalye sa pagsasakatuparan nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment