Friday, April 13, 2012

Pagsasanay ng mga tour-guide inaasahang magpapasigla pa ng turismo sa Sorsogon

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 13 (PIA) – Inaasahang higit pang maisusulong ang turismo sa Sorsogon lalo na’t hindi maglalaon ay magkakaroon na rin ang lalawigan ng mga well-trained tour-guide.

Ito ay kaugnay ng programa ng Department of Tourism sa pakikipatulungan nito sa Technical Skills and Development Authority (TESDA) at pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office kung saan nagpapatuloy sa ngayon ang pagsasanay sa animnapung tour guide na kabilang sa Bulusan-Matnog cluster.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis, nasa isangdaang mga tour guide ang sasanayin upang siyang maging opisyal na mga tour guide sa lalawigan ng Sorsogon.

Aniya, hinati nila sa dalawang training areas ang Sorsogon kung saan ang animnapung slot ay ibinigay sa Bulusan-Matnog cluster habang ang apatnapung slot ay ibinigay naman sa Sorsogon City cluster.

Sakop ng Bulusan-Matnog cluster ang mga lugar panturismo ng mga bayan ng Gubat, Pto. Diaz, Barcelona, Irosin, Matnog, Bulusan, Sta. Magdalena at Bulan.

Habang ang natitirang mga bayan ay kabilang naman sa Sorsogon City cluster.

Ayon kay Racelis, sinimulan ang pagsasanay para sa Bulusan-Matnog cluster noong Pebrero ngayong taon na tatapusin nila sa loob ng 25 araw ayon sa mga itinakdang araw ng pagsasanay kasama na dito ang tatalong araw na mock tour guiding. Hindi kabilang dito ang mga araw para sa orientation at screening.

Ang mga tagapagsanay ay mula sa isang travel agency sa Donsol at mula sa DOT. Libre umano ang pagsasanay at ang mga makakatapos sa pagsasanay na ito ay gagawaran ng National Certificate o NC II ng TESDA. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment