Tuesday, May 1, 2012

Mga progresibong grupo muling naglunsad ng pagmamamartsa kaugnay ng Araw ng Paggawa


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 1 (PIA) – Tulad ng inaasahan tuwing Araw ng Paggawa o Labor Day, muli na namang naglunsad ng pagmamartsa ngayong araw ang mga progresibong grupo dito upang manawagan sa mga lider at sa pamahalaan kaugnay ng ilang mga isyung may kaugnayan sa Paggawa.

Ayon kay Jing Dolot, spokesperson ng mga militanteng grupo, sa pagdiriwang ng ika-126th taong anibersaryo ng Araw ng Paggawa, kalahating araw silang magsasagawa ng mga aktibidad ngayon.

Bago mag-alas-otso ng umaga nang magsidatingan ang ilang mga jeep at bus mula sa iba’t-ibang mag munisipyo dito lulan ang mga kasapi ng mga progresibong grupo kabilang na rin ang ilang mga kabataan at bata. Pasado alas-nueve na ng umaga nang simulan ang programa sa Capitol Park Kiosk bago ang aktwal na pagmamamartsa sa kahabaan ng Rizal at magsasysay St., lungsod ng Sorsogon.

Panawagan nila ang P125 wage increase, pagrebisa sa Electric Power Industry Reform (EPIRA) Law, mga isyu ng pagmimina sa ilang bahagi ng Sorsogon, pagbabasura ng 12% Expanded Value Added Tax at sa Oil Deregulation Law na ayon sa mga ito ay ginagawang sangkalan ng mga malalaking kumpanya upang makabentahe sa kanilang mga negosyo na nagpapahirap naman sa mga ordinaryong manggagawa.

Maging ang mga grupo ng kababaihan dito ay iisa din ang ipinapanawagan sapagkat anila’y kadalasan nang sila ang naapektuhan ng mababnag pasahod at patuloy na pagtaas ng mga bilihin.

Partikular din nilang binigyang-tuon ang exploitation at pang-aabuso sa mga kababaihang manggagawa. Kung kaya’t nananawagan din ang mga ito sa mga kababaihan na magkaisa at labanan ang anumang uri ng pang-aabuso sa kanilang sektor.

Nakaalerto naman ang mga kapulisan dito at nagdagdag rin sila ng mga tauhan bilang paghahanda sakaling magkaroon ng mga kaguluhan kaugnay ng Labor Day ngayon.

Samantala, pinuri naman ng ilang mga obserbador dito ang hakbang ni Pangulong Aquino na huwag ilipat sa ibang araw at gawin ang aktwal na pagdiriwang tulad ng Araw ng Paggawa o Labor Day ayon sa orihinal na petsa ng pagdiriwang nito.

Ayon sa mga obserbador nagdudulot ng kalituhan ang paglilipat ng mga orihinal na petsa ng regular at special holiday tulad ng nakagawian noon kaugnay ng ipinatupad na economic holiday at nawawala din umano ang tunay na halaga ng kasaysayan at tunay na kahulugan ng okasyong ipinagdiriwang. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment