Wednesday, May 9, 2012

Sorsogon panglima sa may pinakamababang insidente ng kahirapan ayon sa 2011 RSET


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 9 (PIA) – Base sa ipinalabas na Regional Social and Economic Trends (RSET) sa taong 2011 ng National Statistical Coordination Board (NSCB) Regional Division 5, nakapagtala ang Sorsogon ng mababang insidente ng kahirapan o poverty incidence kumpara sa lima pang mga lalawigan sa rehiyon ng Bicol.

Sa istatistika, nagunguna ang lalawigan ng Masbate sa may pinakamataas na poverty incidence habang pumapangalawa ang Camarines Sur, pangatlo ang Albay at pang-apat ang Camarines Norte. Sa nakalipas na anim na taon. Nasa panglimang pwesto ang Sorsogon habang nasa panghuling pwesto naman ang Catanduanes.

Nangangahulugan itong mas mataas ang bilang ng mga mahihirap sa Masbate kumpara sa iba pang mga lalawigan sa rehiyon.

Lumabas din sa istatistika na noong 2009, nasa 36 porsyento ang poverty incidence sa Bicol na ang ibig sabihin ay sa bawat isangdaang pamilya, tatlumpu’t anim dito ay mahihirap o sa bawat isangdaang indibidwal, apatnapu’t walo sa kanila ay mahihirap.

Ayon sa pinakahuling population census ng National Statistics Office (NSO) noong 2010, umabot na sa 5,420,411 ang populasyon sa rehiyon ng Bicol kung saan ang Albay ay may 1,233,432 populasyon, Camarines Norte - 542,915, Camarines Sur - 1,822,371, Catanduanes - 246,300, Masbate - 834,650 habang ang Sorsogon ay may 740,743 na kabuuang populasyon

Ayon sa NSCB, patuloy pa umanong tataas ang populasyon dahilan sa mataas na bilang ng mga ipinanganganak. Sa tantiya ng NSCB nasa 21 ang bilang ng mga nanganganak sa bawat isanglibong populasyon.

Sa pag-aanalisa ng NSCB, sa mahigit na limang milyong populasyon na ito, mahigit sa dalawang milyong mga indibidwal o aabot na sa apat na raang libong pamilya ang nabubuhay sa annual capita poverty threshold na P17,146.00.

Ayon pa sa NSCB, upang hindi matawag na mahirap, ang isang Bikolanong pamilyang binubuo ng limang kasapi ay mangangailangan ng P7, 144 bawat buwan o P85, 730 bawat taon, subalit ang halagang ito ay laan lamang para sa gastusin sa mga pangunahng pangangailangan ng pamilya at hindi pa kasama dito ang mga recreational expenses. (MHatoc/BArecebido, PIA Sorsogon)
    

No comments:

Post a Comment