LUNGSOD NG SORSOGON, June 8 (PIA) –
Matagumpay na nagtapos ang dalawang araw na orientation workshop kaugnay ng Disaster Risk Reduction Management and
Climate Change Adaptation (DRRM-CCA) para sa mga lokal na mamamahayag ng
Sorsogon
noong nakaraang linggo.
Sa pangunguna ng Sorsogon Provincial
Disaster Risk Management Office (SPDRMO), naisakatuparan ang nasabing aktibidad
kung saan ayon sa mga nakilahok ay nabigyan sila ng kaukulang kaalaman at kasanayan lalo pa’t
malaki ang papel na ginagampanan nito bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapalaganap
ng impormasyon sa publiko mula sa urban na panig ng pamayanan hanggang sa mga malalayong
kanayunan.
Ayon kay SPDRMO OIC Head Jose F. Lopez, naging matagumpay ang DRRM-CCA
orientation workshop dahilan na rin sa matibay na pagtutulungan ng pamahalaang
probinsyal ng Sorsogon sa pamamagitan ng SPDRMO at ng World Vision-Green Valley
Development Program (WV-GVDP) - Sorsogon.
Naging katuwang din ng SPDRMO sa pagbibigay ng pagsasanay sa media ang Philippine
Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Provincial Environment and
Natural Resources Office (PENRO-LGU), at ang Coastal Community Resources
(Coastal CORE) and Livelihood Development Incorporated.
Kabilang sa tinalakay ay ang mga paksang may kaugnayan sa kung bakit
nagkakaroon ng mga kalamidad at sakuna, mga uri ng natural na panganib,
katotohanan ukol sa Global Warming at Climate Change, mga
pangunahing terminolohiya at konseptong ginagamit sa DRR-CCA, at iba pang mga
inisyatibong ipinatupad, ipinatutupad at ipatutupad pa ng lalawigan ng
Sorsogon.
Ayon
pa kay Lopez, kampante silang sa pamamagitan ng aktibidad ay mas naiintindihan
na ngayon ng mga mamamahayag lalo na ng mga brodkaster ang kani-kanilang mga papel
na ginagampanan, mga ginagawa at tinatalakay sa kani-kanilang programa nang sa
gayon ay magkakahalintulad ang mga kaalamang ilalahad nila sa publiko at higit
sa lahat ay hindi ito magdudulot ng kalituhan sa mga tagapakinig.
Samantala,
sinabi naman ni Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP-Sorsogon) Armand
Dematera na isang makabuluhan at napapanahong pagkakaton ang naibigay ng
aktibidad na ito para sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon.
Napagtibay
din umano nito ang samahan ng mga lokal na mamamahayag at ang magiging ugnayan
ng media, LGU at mga NGO lalo na sa panahong nagkakaroon ng mga kalamidad.
(BARecebido, PIA Sorsogon/VAELabalan, PIO-SPDRMO)
No comments:
Post a Comment