Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 13 (PIA)
– Nanawagan ang pamunuan ng Sorsogon City Schools Division sa mga mag-aaral na
kung maaari ay iwasan na ang pagtangkilik sa mga tindahan ng junk foods at
pagbili ng mga laruan sa mga sidewalk vendors.
Sa Reaching Out Program ng DepEd
sinabi ni Sorsogon City Schools Division Special Education Supervisor Rose
Caguia na isa sa mga suliraning kinakaharap ngayon hindi lamang ng mga guro at
opisyal ng mga paaralan kundi maging ng mga magulang ng mag-aaral ang mga
nagtitinda sa mga paligid ng paaralan ng pagkain, inumin at laruan na kung
minsan ay nagiging ugat ng pagkakasakit o di naman kaya’y nagiging sanhi upang
maaksidente ang mga mag-aaral kapag rush hour dahilan sa pag-uunahan
nitong makabili o di kaya’y sa pagsisikip ng mga daanan.
Ayon kay Caguia, makailang-ulit na
nilang sinita ang mga nagtitinda, subalit pabalik-balik pa rin ito kung kaya’t
higit umanong tututukan nila ngayon ang pagpapa-alis sa mga ito.
Sinabi din niyang paiigtingin nila
ang information campaign sa mga mag-aaral at kung hindi umano tatangkilikin ng
mga mag-aaral ang mga ibinebenta ng mga nagtitindang ito sa paligid ng mga
paaralan ay tiyak na magsasawa ito at kusa na ring aalis.
Samantala, hinikayat din ng opisyal
ang mga kantina sa mga paaralan na gawing kaakit-akit sa mga mag-aaral ang
paligid ng kantina at ang mga ibinebenta dito nang sa gayon ay mabaling ang
atensyon ng mga bata at dito na ito bumili ng kanilang pagkain at inumin.
Dapat din umanong panatilihin ang
kalinisan ng mga kantina, isa-alang-alang ang tamang paghahanda ng pagkain at
maayos na kalusugan ng mga personaheng nagmamantini nito. Nag-abiso din si
Caguia sa mga kantina na dapat na palagiang bagong luto ang mga ibinebentang
pagkain upang makaiwas sa food poisoning.
Sa ngayon ay aktibo ang Deped sa
pagpapaigting ng kampanya ukol sa tamang nutrisyon at kalinisan lalo’t
ipinagdiriwang ngayong Hulyo ang Buwan ng Nutrisyon sa ilalim ng temang:
“Pagkain ng Gulay Ugaliin, Araw-araw Itong Ihain”. (BARecebido/FBTumalad, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment