Wednesday, July 25, 2012

Pitong proyektong popondohan ng PAMANA-DILG inaprubahan na ng PPOC


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 25 (PIA) – Pitong mga proyekto sa limang bayan sa Sorsogon na popondohan sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan – Department of Interior and Local Government (PAMANA-DILG) ang inaprubahan at iniindorso sa Regional Peace and Order Council (RPOC) Technical Working Group upang ma-review ng mga kasapi ng Sorsogon Provincial Peace and Order Council (PPOC).

Sa ipinatawag na pagtitipon ni Sorsogon Governor Raul R. Lee noong Biyernes, June 20, inilahad ng PPOC Secretariat sa pangunguna ni DILG Provincial Director Ruben Baldeo ang kumpletong mga dokumento kasama na ang project proposal ng mga proyektong popondohan ng PAMANA-DILG sa taong 2012.

Kabilang sa mga ito ay ang pag-aaspalto ng Burgos-Calayugan Road sa Casiguran, Caruhayon-Tinago Farm-to-Market Road at Lower-Upper Calmayon Farm-to-Market Road sa Juban, pagkokonkreto ng Union-Sangat Farm-to-Market Road sa Gubat at ng Liang Farm-to-Market Road sa Irosin, at pagtatayo ng Level II Water System at River Control Project sa Barcelona. Lahat ng mga proyekto ay pawang nagkakahalaga ng tig-lilimang milyong piso.

Ang mga proyekto ay dumaan sa masusing pag-aaral at deliberasyon ng mga kasapi ng PPOC Technical Working Group bago ito iprinisinta sa mga kasapi ng PPOC para aprubahan at isumite sa RPOC Technical Working Group bago aprubahan ng RPOC at tuluyan nang mailabas ang pondo at simulan ang implementasyon.

Ayon kay Baldeo, hinihintay pa ng PPOC TWG na makumpleto din ng natitira pang mga aydentipikadong benepisyaryo ng PAMANA-DILG ang kanilang project proposal at mga dokumento upang maisumite rin ito sa mga kinauukulan at maibilang sa Phase III project ng PAMANA-DILG 2012. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment