Wednesday, July 4, 2012

Suplay ng bigas sa Sorsogon sapat, ayon sa NFA


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 4 (PIA) –Tiniyak ni National Food Authority (NFA) Sorsogon General Manager Eliseo Caliwag na sapat ang suplay ng bigas sa lalawigan hanggang sa Disyembre ngayong taon.

Ayon kay Caliwag, 35,000 sako pa ng bigas ang nakaimbak sa bodega ng NFA at 108,000 na sako din ng palay ang nasa kiskisan ngayon, sapat umano ito upang matustusan ang pangangailangan ng mga Sorsoganon hanggang sa katapusan ng taon at maging hanggang sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Aniya, hindi kasali sa bilang ang posible pang anihin sa darating na buwan ng Setyembre at Oktubre. Maliban dito ay inihayag din ng opisyal na wala pang importasyon ng bigas na ginawa ang lalawigan subalit tiniyak niyang sapat ang kasalukuyang suplay sa panganagilangan ng mga Sorsoganon. 

Sinabi ni Caliwag na ang maayos na kalagayang ito ay dahilan sa maganda at sustenableng produksyon ng palay sa probinsya nitong mga nakaraang buwan.

Samantala, sinabi ni Caliwag na sa ngayon ay nananatili pa rin sa P17 bawat kilo ang bilihan ng palay ngayon at may mga insentibo din silang ibinibigay kaugnay ng mga pagpapatuyo ng palay kung saan 20 hanggang 50 centavos ang ibinibigay nila para sa mga indibidwal habang 30 centavos naman para sa mga kooperatiba.

Tiniyak din ni Caliwag sa mga magsasaka ang suporta ng NFA sa kanila at sinabi nitong bukas ang kanilang tanggapan para sa anumang mga katanungan o mga paglilinaw na nais malaman ng mga ito. (BARecebido, PIA Sorsogon/HBinaya)



No comments:

Post a Comment