Friday, August 17, 2012

Labi ni Cong. Escudero dumating na sa Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 17 (PIA) – Libong mga Sorsoganon na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, lokal na opisyal ng pamahalaan, manggagawa at mga residente ang sumalubong sa labi ng Kongresista ng Unang Distrito ng Sorsogon Salvador “Sonny” Escudero III ngayong umaga.

Alas-syete y medya nang umaga kahapon nang dumating ang bangkay ng kongresista sakay ng Philippine Airlines sa Paliparan ng Lungsod ng Legazpi kung saan sinalubong ito ng mga awtoridad, opisyal ng pamahalaang probinsyal, mga media at ilang mga residente ng Sorsogon na siya na ring sumama sa convoy mula sa paliparan hanggang sa tahanan nito sa Brgy. Buhatan, Sorsogon City.

Simula sa pagpasok sa Brgy. Danlog, Pilar, Sorsogon, ang unang barangay ng lalawigan ng Sorsogon ay nakahilera na sa kalsada ang mga mag-aaral, mga guro, opisyal ng bayan at barangay at mga residente hawak ang mga puting banderitas na iwinawagayway habang dumadaan ang convoy ng labi ni Cong. Escudero.

Ipinagmamalaki ng mga Sorsoganon ang natatanging kontribusyon, dedikasyon at di-matatawarang pagsisilbi ng Kongresista na kilala rin sa tawag na “Tatay” hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa buong bansa.

Sa kabila ng kanyang malubhang karamdaman, tiniyak pa rin ng kongresista na nagagampanan nito ang kanyang tungkulin kahit pa nga naka-wheel chair na lamang. Isa si “Tatay” sa mga kongresistang may malinis na attendance record pagdating sa mga sesyon at pagdinig ng mga komite sa kongreso.

Maliban sa pagiging kongresista sa unang distrito ng Sorsogon sa kasalukuyang termino, nagsilbi din ito bilang Kalihim ng Agrikultura mula 1984 hanggang 1986 at noong 1996 hanggang 1998. Napabilang din ito sa mga pinagaralan bilang Ten Outstanding Young Men (TOYM) sa larangan ng Veterinary Medicine noong 1971 at naging director din ng Bureau of Animal Industry at Deputy Minister.

Si “Tatay” ay ipinanganak noong ika-18 ng Disyembre, 1942 sa Casiguran, Sorsogon at ikinasal kay Evelina Guevarra, isang guro, at nabiyayaan ng tatlong anak kung saan isa dito ang ngayon ay bantog na Senador ng pilipinas, Francis “Chiz” Escudero.

Nagtapos ito ng kursong Veterinary Medicine noong 1963 sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, nagtapos ng Masteral at Doctoral degree in Tropical Veterinary Medicine sa University of Queensland sa bansang Australia noong 1968 at ng Organization and Management sa University of the Philippines System noong 1969.  
Si “Tatay” na nasa ikalawang termino sa kasalukuyan ng pagiging kinatawan ng Sorsogon ay naging kinatawan na din noon sa 8th, 9th at 10th Congress of the Philippines mula 1987 hanggang 1998.

Nagturo din ito at naging dekano ng College of Veterinary Medicine sa Unibersidad ng Pilipinas mula 1970 hanggang 1984 at naging Director ng University of the Philippines Veterinary Hospital.

Marami ding mga magsasakang natulungan si “Tatay” Escudero sa pamamagitan ng kanyang programang agraryo sa radyo.

Naging prayoridad niya sa kanyang pagsisilbi bilang kongresista ang pagbibigay ng tulong pinansyal, edukasyon, pangkabuhayan, public works, health care at medical assistance, rural electrification, suplay sa tubig, irigasyon at panganagalaga sa kakahuyan.

Sa ilalim ng 15th Congress ay nakapag-akda si “Tatay” Escudero ng 117 na House Bills.

Dalawang araw ang ilalagi ng bangkay ng kongresista sa Sorsogon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga Sorsoganon na masulyapan at makapagbigay-pugay na rin dito ang kanyang mga kababayan, bago ito ibalik sa Maynila sa Linggo, Agosto 19, 2012 upang i-cremate. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment