Monday, September 17, 2012

EMB-5 Regional Director Sheen bagong chairman ng BMGMMT


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, September 17 (PIA) – “Down to earth”, “cool”, kwela, masayahin at tiyak madaling makakasundo.

Ito ang naging pangunang impresyon ng mga kasapi ng Bacon-Manito Geothermal Multi-Partite Monitoring Team (BMGMMT) matapos na ipakilala ang bagong Chairman ng BMGMMT na si Regional Director Roberto Sheen sa mga kasapi nito noong nakaraang linggo.

Ang BGMMT ay isang grupo na binuo alinsunod sa probisyong isinasaad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order (AO) No. 37 s. 1996, DENR AO No. 2003-30 at revised procedural manual 2007 nito upang sumubaybay at tiyaking naipatutupad ng Energy Development Corporation at Bacon-Manito Geothermal, Inc. ang Environmental Compliance Certificate (ECC) na inisyu sa kanila.

Sa kauna-unahang pakikipagpulong ni Sheen sa mga kasapi ng nasabing monitoring team, ipinakita nito ang pagiging masayahin, kalog at kababaang-loob dahilan upang madaling makuha nito ang simpatiya ng mga kasapi ng BGMMT. Subalit, ipinakita man niya ang pagigig “down to earth”, hindi rin niya itinago ang pagiging responsable sa posisyong ipinagkatiwala sa kanya bilang bagong Environmental Management Bureau (EMB) Bicol Regional Director at sa pagiging chairman ng BMGMMT.

Inihayag niya sa grupo ang kanyang buong suporta at tiniyak sa mga kasapi ng BGMMT na bukas siya sa anumang mga obserbasyon at nakahanda siyang pakinggan ang mga suhestyong makakatulong upang higit pang mapaayos ang pagpapatupad ng mga programang may kaugnayan sa ibinigay sa kanyang posisyon. 

Sa naging seryosong pahayag ni Sheen, mariin niyang sinabi na hindi siya anghel at hindi rin siya corrupt. Nais lang niya umanong makuha ang tiwala ng mga Bikolano at mapalagay ang loob ng mga ito sa kanya lalo na sa pagpapaabot sa kanyang tanggapan ng iba’t-ibang mga isyu na may kinalaman sa tamang pangangalaga at pamamahala ng kapaligiran lalo na sa mga lugar na may mga aktibidad na may kaugnayan sa kalikasan tulad ng pagmimina, geothermal exploration at mga aktibidad ng paghuhukay o quarrying.

Idinagdag pa ni Sheen na nais din niyang masustinihan ang pagiging aktibo ng mga kasapi ng sectoral monitoring team ng EDC at BGI matiyak na nasusunod nga nito ang lahat ng mga probisyong nakasaad sa Manual of Operations nito.

Kaugnay nito, masaya at higit pang naging inspirado ang mga kasapi ng monitoring team na gawin ang kani-kanilang mga bahaging ginagampanan bilang kasapi ng BMGMMT.

Si Sheen ang regional director ng EMB sa National Capital Region bago ito nailipat ng bilang EMB regional director ng EMB Bicol bilang kapalit ni Director Gilbert Gonzales na siya na ngayong itinalaga bilang Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment