Tuesday, October 9, 2012

SK Prov’l Federation hinikayat ang mga kabataan na makilahok sa Youth Eco Summit 2012



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 9 (PIA) – Hinikayat ni Sangguniang Kabataan (SK) Sorsogon Provincial Federation President Patrick Rodrigueza ang mga kabataan hindi lamang sa Sorsogon kundi maging sa buong rehiyon na makilahok sa gaganaping Youth Eco Summit sa Oktubre 13-14, 2012 sa Provincial Gymnasium sa lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Rodrigueza, layunin ng Youth Eco Summit na tipunin ang mga kabataan at bigyan ng tamang kaalaman at aktwal na karanasan ang mga ito ukol sa pangangalaga sa kapaligiran at mga likas na yaman ng kani-kanilang mga lugar.

Sa pahayag ni Rodrigeza, mahalaga umano sa kanyang makapag-iwan ng legasiyang maaaring maipagmalaki sa mga darating na henerasyon bilang ganti nito sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang SK Provincial Federation President ng mga kabataan ng kasalukuyang henerasyon.

Maliban sa mga tatalakaying paksang may kaugnayan sa ekolohiya, may mga inihanda ring interactive activities para sa mga lalahok na kabataan. Nakatakda ring magkaroon ng Mangrove Planting na siyang aalagaang proyekto ng SK hanggang sa matiyak na talagang tutubo at lalaki ito.

Ilan din sa mga aabangang personalidad na magiging panauhin sa pagbubukas ng aktibidad sa Oktubre 13 sina Ecowarrior Migz Zubiri, Presidential Adviser For Environmental Protection Neric Acosta, Congressman ng Zambales Mitos Magsaysay, Kabataan Partylist Representative Raymond Palatino, National Youth Commissioner Earl Saavedra, Rhondon Ricafort ng Kabataan Liberal at iba pang mga tagapangalaga ng kalikasan.

Sa gabi ay magkakaroon ng Eco Night Run na kauna-unahang magaganap dito sa Sorsogon upang tasain ang kanilang kapasidad pagdating sa palakasan, apsesya at tatag ng loob. Bukas din umano ito sa sinumang mga interesadong kalahok. Yaong18 taon gulang pababa na nais lumahok ay dapat na magsumite ng sertipiko ng pagpayag ng kanilang magulang o taga-bantay.

May mga inimbitahan ding negosyante para sa gaganaping Green Supermarket. Habang sa panghuling gabi ay magkakaroon ng Environmental Band Concert n tinawag nilang “Tunog Kalikasan” kung saan inaasahan ang pagdating ng sikat na environmentalist-singer na si Noel Cabangon.

Suportado ang Youth Eco Summit ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon at ng Vice Mayor’s League for Luzon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment