Tuesday, October 30, 2012

Sorsogon City BFP, PNP nakaalerto para sa “Oplan Kaluluwa”



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Oktubre 30 (PIA) – Tatlong fire truck malapit sa malalaking mga sementeryo sa lungsod ng Sorsogon ang ilalagay ng Bureau of Fire Protection (BFP) Sorsogon City Station sa pangunguna ni SInsp Walter Marcial bilang paghahanda sa Araw ng mga Santo at Kaluluwa ngayong Nobyembre Uno hanggang Dos.

Sa inilabas na pahayag ni Marcial, ilalagay nila ang mga trak na ito ng BFP sa Bacon Catholic Cemetery sa West Bulod, Bacon District, Sorsogon City Memorial Garden sa Brgy. Bibincahan, at Msgr. Barlin Street sa Brgy. Sampaloc.

Ayon kay Marcial, hindi lamang mga sasakyan ng BFP ang ilalagay nila kundi maging ang kanilang mga tauhan ay babantay din sa nasabing mga lugar upang magbigay ng serbisyo sa publiko sakaling kailanganin ito.

Aniya, taunan nilang ginagawa ang ganito bilang bahagi ng pagpapatupad ng kanilang “Oplan Kaluluwa” lalo pa’t inaasahan na ang pagdagsa sa sementeryo ng mga tao upang bisitahin at ipagdasal ang kanilang mga mahal sa buhay na namayapa na.

Sa pagdagsa ng maraming tao, alertado umano ang kanyang mga tauhan nang sa gayon ay maiwasan ang anumang mga insidente kaugnay ng pag-alala sa mga mahahalagang araw na ito.

Nilinaw din ni Marcial na sa kabila ng dobleng pagbabantay nila sa mga sementeryo, hindi rin nila inaalis ang kanilang atensyon sa mga kabahayan kung saan hindi rin umano naiiwasang magsindi ng kandila sa kanilang mga bahay para sa mga yumaong kamag-anak yaong hindi makadadalaw sa mga sementeryo.

Bago pa ang pagpapatupad ay pinulong ni Marcial ang kanyang mga tauhan upang malinis na maplao ang mga pamamaraan sa pagpapatupad ng “Oplan Kaluluwa” upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga panahong tulad nito.

Inatasan din niya ang paglalagay ng mga fire truck at mga tauhan ng BFP Sorsogon City sa mga istratehikong lugar sa lungsod lalo na kung saan naroroon ang malalking sementeryo dito.

Maliban dito, magsasagawa rin ng information drive ang mga tauhan ng Fire Safety Enforcement Section at mamamahagi ng mga leaflets na naglalaman ng mga mahahalagang kaalaman ukol sa tamang pag-iwas sa mga maaaring pagmulan ng sunog o kaugnay na insidente at matiyak na ligtas na komunidad.


Samantala, nananatiling maayos at payapa ang operasyon sa mga pantalan at terminal dito sa lalawigan at nagsimula na ring magdatingan ang mga bakasyunistang nais samantalahin ang mahabang bakasyon ngayong week-end.

Nakakalat na rin simula pa noong Lunes ang mga kapulisan sa mga sementeryo at istratehikong lugar hindi lamang sa lungsod ng Sorsogon kundi maging sa mga munisipalidad sa buong lalawigan.

Ayon kay Sorsogon City PNP Chief PSupt. Edgardo Ardales, aktibado na rin ang kanilang Police Assistance Desk para asistihan ang publiko sa mga pangangailangan nito.

Ipinatutupad na rin nila umano ang special traffic procedures partikular sa West Bulod sa Bacon District at Msgr. Barlin Street sa Brgy. Sampaloc kung saan makikitid ang mga kalsada dito.

Patuloy din ang panawagan ng mga awtoridad sa lahat na suportahan ang kanilang pagsisikap na matiyak ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga ipinatutupad nilang programa upang maiwasan ang anumang negatibong insidente sa tuwing may mga kahalintulad na okasyon. (BARecebido, PIA Sorsogon/BFP)

No comments:

Post a Comment