Friday, November 23, 2012

Ikatlong anibersaryo ng Maguindanao Massacre ginugunita



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 23 (PIA) – Nakikiisa ang mga lokal na media dito kaugnay ng paggunita ng ikatlong taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre kung saan hindi bababa sa 57 katao ang pinatay kasama ang hindi rin bababa sa 32 na mga mamamahayag mula sa iba’t-ibang mga istasyon ng media.

Ngayong umaga ay sabay-sabay na naririnig sa mga istasyon ng radyo sa Sorsogon ang talakayan ukol sa pinakahuling kaganapan kaugnay ng paglilitis sa kaso at iba pang mga isyu ukol sa malayang pamamahayag.

Ayon kay Bobby Labalan, presidente ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), alas-kwatro ng hapon mamaya ay magkakaroon ng programa sa Capitol Park na susundan ng Multi-sectoral Torch Parade mula at pabalik sa Capitol ground.

Magtatapos ang aktibidad sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila sa kaparehong lugar.

Ang Maguindanao massacre na tinawag ding Ampatuan Massacre, hango sa isang lugar sa lalawigan ng Maguindanao kung saan naganap ang kakila-kilabot na pagpaslang ay naganap noong ika-23 ng Nobyembre taong 2009.

Matatandaang habang binabaybay ng mga biktima ang daan patungo sa tanggapan ng Comelec upang magsumite ng Certificate of Candidacy para kay Esmael Mangudadatu, bise alkalde ng bayan ng Buluan, ay kinidnap ang mga ito at brutal na pinagpapaslang.

Kabilang sa mga napaslang ay ang asawa ng Mangudadatu at kanyang dalawang kapatid na babae, mga mamamahayag, abogado, alalay at ilang motoristang napagkamalang kasama sa convoy. Politika ang dahilan ng madugong pangyayari.

Ang nasabing krimeng naganap ay tinawag ng Committee to protect Journalists (CPJ) bilang nag-iisang karumal-dumal na pangyayari sa kasaysayan ng mga mamamahayag simula noong 1992 kung saan sinimulan nila ang pagtatago ng mga rekord ng pinapatay na mga mamamahayag kung kayat ibinilang ng CPJ ang Pilipinas bilang pumapangalawa sa Israel sa pinakamapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment