Thursday, November 29, 2012

Pasko sa Sorsogon mapupuno ng kasayahan



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 30 (PIA) – Inaabangan na ng mga Sorsoganon ang pagpasok ng buwan ng Disyembre ngayong taon dahilan sa magkahiwalay na mga aktibidad na inihanda ng pamahalaang lokal ng lungsod at ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon.

Isang buwang “Paskonswelo  sa Kapitolyo” ang pangungunahan ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon na sisimulan sa Disyembre a-uno hanggang Disyembre 30, 2012 habang ang “Sosogon Festival” naman ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ay gagawin mula ika-8 ng Disyembre hanggang ika-16 ng Disyembre 2012.

Ang Sosogon Festival ay ipinagdiriwang sa buwan ng Disyembre bilang pasasalamat ng lungsod sa mga biyayang natanggap sa buong taon at bilang paggunita na rin sa pagkakatatag ng Sorsogon City noong ika-16 ng Disyembre 2000.

Ang Sosogon ay salitang Sorsoganon na ang ibig sabihin ay tahakin o baybayin ang daanan patungo sa pupuntahang lugar.

Ayon kay City Mayor Leovic Dioneda, naka-iskedyul man ang grand opening ng Sosogon Festival sa Disyembre 12 kung saan bubuksan din ang Sosogon Expo 2012 tampok ang mga produktong agrikultural ng lungsod, mayroon pa rin silang inihandang pre-festival activities simula Disyembre a-uno.

Ilang mga sikat na personalidad din ang inaasahang darating sa lungsod. Sa Disyembre 16 gaganapin ang culminating activity sabay sa unang araw ng Misa de Aguinaldo. Matapos ito ay magkakaroon ng salo-salo ang mga nagsipagdalo sa misa. Sa hapon ay gaganapin naman ang Street Dance at Dance Ritual Competition.

Tema ng Sosogon Festival ang “Tangkilikin, Produktong Tatak Kalikasan”.

Samantala, nakalinya din ang iba’t-ibang mga patimpalak sa gagawing “Paskonswelo sa Kapitolyo” kung saan ayon kay Sorsogon Governor Raul R. Lee nais niyang bigyan ng ibayong kasiyahan ang mga Sorsoganon kasabay ng pagpapalago pa ng mga natatanging talento at kapabilidad ng mga ito.

Ang mga patimpalak ay sa larangan ng isport kasama ang mga bading, indigenous games, kantahan, display ng mga Christmas Lantern, yuletide quiz bee, Search for Sta. Clause look and dress-alike, Inter-municipal at Rural Health Unit Christmas Tree Contest, Paskonswelo de Tawa at marami pang iba.

Maliban sa patimpalak ay may iba pang mga aktibidad tulad ng “Salud Mo, Sagot Ko”, Carabao Ride at the Park, Nightly Shows, Job’s Fair, Bingo Bonanza, “Rapasko feat Repablikan” Concert, Pacman-Marquez Fight Free Showing at iba pa na tiyak na magbibigay saya sa publiko.

Magtatapos ang “Paskonswelo sa Kapitolyo” sa pamamagitan ng Fireworks Grand New Year’s Concert with Countdown alas-dyes ng gabi sa Disyembre 31 bago tuluyang mamaalam ang taong 2012 at pumasok ang taong2013.

Ayon sa mga punong-abala ng dalawang aktibidad, tiniyak nilang gawing makulay at masaya ang mga aktibidad upang dayuhin ito ng mga Sorsoganon partikular ng mga taga-lungsod at ng mga bibisita dito lalo pa’t nataon ito sa panahong ipinagdiriwang ang pasko. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment