Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 6 (PIA) – Ligtas
pa rin hanggang sa ngayon ang katubigan ng look ng Sorsogon laban sa lason ng
red tide.
Ito ang magandang balita matapos na ilabas
ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pinakabagong Shellfish
bulletin No. 25 nito na may petsang Oktubre 25, 2012, kung saan nananatiling
ligtas kainin ang mga lamang-dagat mula sa katubigan ng Juag Lagoon sa Matnog
at Sorsogon Bay sa Sorsogon dahilan sa pagiging negatibo nito sa red tide.
Habang pinag-iingat naman ang publiko sa
pagkain ng mga lamang-dagat gaya ng tahong at talaba na makukuha sa mga
karagatang sakop ng Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa
Zamboanga del Norte at Misamis Occidental dahilan sa pagiging positibo pa rin
nito sa red tide.
Ang deklarasyon ay nangangahulugang ligtas
na rin ang buong katubigan ng Bicol region mula sa nakalalasong red tide at
maging ang iba pang mga lugar na una nang idineklara ng BFAR na positibo sa red
tide toxin.
Subalit sa kabila nito ay mahigpit pa rin
ang babala ng Department of Health sa publiko na mag-ingat pa rin at iwasan ang
pagkain ng mga lamang-dagat na nabilad na sa araw o di kaya’y bilasa na.
Ang pusit, hipon, alimango at isda ay dapat
na alisan ng hasang at bituka at linising mabuti bago lutuin at kainin.
Samantala, patuloy na tinatamasa ngayon ng
mga Sorsoganon ang mayamang ani ng baloko, baduy at iba pang mga lamang-dagat
mula sa katubigan ng Sorsogon Bay at iba pang mga lugar dito, dangan nga lamang
at hindi na naibalik pa ang kaparehong sigla ng industriya ng tahong matapos na
bumagsak ito mahigit dalawang taon na ang nakararaan dahilan sa perwisyong
dinala ng red tide. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment