Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Nobyembre 5 (PIA) –
Mahigpit ang abiso ng mga awtoridad sa mga tsuper at pasahero ng mga sasakyan
na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa kanilang pagmamaneho at pagsakay sa maliliit
man o malalaking sasakyan.
Ito ay matapos na makapagtala ng ilang mga
aksidente sa kalsada dito sa Sorsogon sa pagpasok ng unang araw ng Nobyembre
hanggang kahapon kung saan noong Nobyembre a-uno ay nabunggo ng isang Mega Bus
Line mula Maynila patungong Bulan, Sorsogon ang isang Honda scooter sa Barangay
Monbon, Irosin, Sorsogon, at isang Yamaha RS ang nahagip naman ng isang Isuzu
Elf Truck sa Maharlika Hiway, Barangay Cumadcad, Castilla, Sorsogon.
Noong a-dos ng Nobyembre ay isang traysikel
at isang motorsiklo ang nagbanggaan sa harap ng Matnog Municipal Building sa
Brgy Camcaman, Matnog Sorsogon. Pawang minor injuries lamang ang natamo ng mga
sangkot sa aksidente na agad namang nalapatan ng kaukulang lunas sa mga
pinagdalhang ospital ng mga ito.
Subalit kahapon, isang motorsiklong may
lulang tatlong pasahero at isang traysikel ang nagbanggaan sa Brgy Bibincahan,
Sorsogon City, na naging sanhi ng kamatayan ng drayber ng motorsiklo.
Kaugnay nito, mahigpit ang abiso ng mga
awtoridad sa mga tsuper na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho sa kalsada at
iwasan din ang overloading hindi lamang sa mga tsuper ng motorsiklo at
traysikel kundi maging sa mga bus lalo pa’t dagsa pa rin ang mga pasaherong
nais bumyahe patungong hilaga at timog na bahagi ng bansa.
Payo din ng mga awtoridad na iwasan ang
pagsakay sa mga kolurom na mga sasakyan, maging ito man ay sasakyan sa kalupaan
o sasakyang pandagat. Dapat din umanong tiyakin ng mga tsuper na nasa tamang
kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago ito gamitin.
Samantala sa naging tala ng Philippine Coast
Guard (PCG) District Sorsogon umabot sa 13,199 ang bilang ng naging mga
pasahero sa tatlong malalaking pantalan sa Sorsogon mula Oktubre 31, 2012
hanggang kahapon, Nobyembre 4, 2012, kung saan 8,749 sa kabuuang bilang na ito
ay naitala sa pantalan ng Matnog. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment