Sunday, December 23, 2012

Pamamahala ng Quidolog Water System, pormal nang isinalin ng Coastal CORE sa pamamahala ng people’s Organization sa Pto. Diaz

LUNGSOD NG SORSOGON, Disyembre 20 (PIA) – Pormal ng isinalin ng Coastal Communiry Resources (Coastal CORE) ang pamamahala ng Quidolog Water System sa Brgy. Quidolog, Prieto Diaz, Sorsogon sa lokal na people’s organization nito noong nakaraang Disyembre 14, Biyernes ng hapon.

Tinanggap ni Pto. Diaz Mayor. Jocelyn Y. Lelis ang responsibilidad ng pagsubaybay sa proyekto kasama ang pangulo ng Quidolog Development Association (QDA) Antonino Destura na direktang mamamahala ng nasabing proyekto.

Ang Quidolog Water System ay pinondohan ng Agencia Española de Cooperacion Internacional Para El Desarollo (AECID), Fundacion IPADE por Un Desarollo Humane Sustenible at Ministerio de Asunto Exteriores y de Cooperacion ng bansang Espanya.

Dumalo sa nasabing seremonya ng pagsasalin ang National Coordinator Laia Reverter at Bicol Coordinator Alex Nayve ng Fundacion IPADE. Naroroon din si AECID Bicol Coordinator Lea Fenix, Brgy. Captain Pablo Destura ng Barangay Quidolog, Municipal Councilor Alice Enano at mga kasapi ng QDA at iba pang residente ng barangay.

Ipinahayag ni Destura ang kagalakan dahil naabot na nila ang isa sa layunin ng kanilang organisasyon na mabigyan ng malinis at ligtas na inumin ang mga residente ng Brgy. Quidolog. 

Samantala, may halong tuwa at pangamba naman ang mga kasapi ng Quidolog Development Association sa sa pag-ako ng responsibilidad, subalit ipina-alala sa kanila ni Mayor Lelis na bawat gawain o proyekto ay may kaakibat na problema subalit kung magtutulong-tulong at pag-uusapan ang solusyon, maisasa-ayos nila ito sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Prieto Diaz.

Gayunpaman, umaasa ang punong ehekutibo ng Prieto Diaz na patuloy silang tutulungan ng iba’t-ibang mga ahensya sa mga susunod pang proyektong pang-kaunlaran ng kanilang bayan.

Ayon naman kay Coastal CORE Project Coordinator Maila Quiring, napili nilang tulungan ang bayan ng Prieto Diaz dahilan sa antas ng kahirapan at pangangailangan ng mga mamamayan na sinisikap namang masolusyunan ng pamahalaang bayan nito. Makikita umano ito sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lokal sa mga non-government organization at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

“Bilang tulay sa pagpapaunlad ng mga komunidad, nagsisikap din ang Coastal Core na matugunan ang mga pangangailangan ng mga bayan sa Sorsogon na nasa priority list nila,” pahayag pa ni Quiring. (JFuellos/ BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment