Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 16 (PIA) – Mahigit
dalawang libong mga residente ng Brgy. Gabao, Irosin, Sorsogon ang
nakabenipisyo sa isinagawang medical mission, feeding program at iba pang
serbisyo na pinangunahan ng UNTV sa pakikipagtulungan sa 31st
Infantry Batallon ng Philippine Army na pinamumunuan ni Lt. Col. Teody Toribio.
Suportado din ang aktibidad ng 903rd
Infantry Brigade ng Philippine Army sa pamumuno ni Commanding Officer Joselito
E. Kakilala, mga opisyal ng Brgy. Gabao, mga guro ng Gabao National High School
at iba pang mga stakeholder.
Ayon kay Capt. Arnel Sabas, Civil Military
Operations Officer ng 903rd Inf Bgde, ilang mga doktor at narses
mula sa ospital ng 9th Infantry Division at Rural Health Unit ng
Irosin ang nagsagawa ng medical, dental at optical operations sa mga residente.
Karamihan umano sa mga ipinasuri ng mga
residente ay ang sakit sa ngipin, malabong paningin, ubo, sipon at lagnat.
Nabigyan ng benepisyong medikal ang 716 na
mga residente, dental - 137, optical – 469, libreng gupit – 95, nagpamasahe –
35 at 655 naman ang nabiyayaan sa feeding program kung saan pinakain ang mga
ito ng masarap na lugaw.
Sa naging pahayag naman ni Commanding
Officer Joselito E. Kakilala ng 903rd Infantry Brigade, pinakasuporta
nila sa ganitong aktibidad ang pagtukoy ng mga lugar kung saan higit na
kailangan ang medical mission base na rin sa ipinaabot na impormasyon at
berepikasyon nila. At sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang mga organisasyon o
grupo tulad ng UNTV ay nakapagsasagawa sila ng ganitong aktibidad. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment