Tuesday, January 8, 2013

Patay na balyena muli na namang nakuha sa karagatan ng Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 8 (PIA) – Limang araw matapos makakuha ng isang patay na balyena sa karagatan ng Pilar, Sorsogon, noong ika-30 ng Disyembre, 2012, isa na namang patay na balyena ang nakuhang lulutang-lutang sa karagatang sakop ng Barangay Lupi sa bayan ng Prieto Diaz nito lamang Biyernes, ika-4 ng Enero, 2013.

Sa ulat na ipinaabot sa PIA Sorsogon ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, Biyernes nang mamataan ang isang Longman’s Beaked Whale o balyena, subalit dahilan sa kondisyon ng panahon ay nakuha ito ng grupo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol sa pangunguna ni BFAR-5 FIRST Team Leader Nonie P. Enolva, linggo na ng umaga, Enero 6, 2013.

Ang balyena ay may bigat na mahigit kumulang sa 250 kilos at may habang 3.25 metro.

Sa tantiya ng BFAR, halos ay limang araw nang patay ang nasabing balyena dahilan sa nakitang kondisyon, kulay at kakaibang amoy nito.

Sa pagsusuring ginawa ni Provincial Veterinarian Dr. Espiritu, may ilang mga bukol o tumor ang higanteng isda sa baga na siya umanong dahilan ng kamatayan nito.

Paliwanag ni Dr. Espiritu na maraming mga kadahilanan kung bakit tinutubuan ng tumor ang mga malalaking isda, isa na umano sa nagiging sanhi nito ang mga pollutant o dumi lalo na yaong mga plastik na itinatapon sa karagatan na nakakain ng mga isda at hindi natutunaw sa tiyan nito.

Matapos ang ginawang necropsy ay agad na itong ibinaon sa lupa ng mga tauhan ng BFAR. May ilang bahagi din ng lamang-loob ng balyena na ipinadala sa laboratoryo upang mas masusing masuri pa ito.

Ayon kay Dr. Espiritu, madalang na madalang o halos ay hindi makakakita ng Longman’s Beaked Whale na may scientific name na Indopacetus pacificus sa bansa o maging sa buong mundo. Sa katunayan sasampu pa lamang ng ganitong uri ang nakita sa buong mundo.

Sa Pilipinas, ito ang ikalawang pagkakataong nakakita ng ganitong uri ng balyena sa karagatang sakop nito, kung saan unang nakita ito noong Enero 2004 sa karagatan ng Davao na naitalang ika-walong uri sa buong mundo. Base sa rekord, lumalaki ang balyenang ito mula sa anim hanggang walong metro ang haba.

Dagdag pa ng beterinaryo na dahilan sa pagbabago ng klima at temperatura sa dagat ay hindi kataka-takang magkaroon ng ganitong senaryo sa karagatan sa bansa. Ganitong mga panahon o mula buwan ng Enero hanggang Hunyo ay nagiging madalas umanong magkaroon ng mammal stranding sa karagatan hindi lamang ng Sorsogon kundi maging sa iba pang panig ng bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment