LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 21 (PIA) –
Patuloy na pinaiigting ng Department of Social Welfare and Development ang
kanilang kampanya ukol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas bantog sa
tawag na 4Ps at ang pagkondena nito sa mga mapapel (EPAL) na pulitiko lalo pa’t
nalalapit na ang kampanya at halalan.
Ito ay bunsod ng ilang mga kontorbersyang
kinasangkutan ng programa nitong mga nakaraang araw na nagbigay din ng
kalituhan sa ilang mga benepisyaryo at iba pang mga kasapi ng komunidad sa mga
barangay.
Ayon kay Agnes Mayor, Information Officer
ng 4Ps, tuwing araw ng Biyernes ay ilang mga kinatawan nila ang pumupunta sa Sorsogon
upang magsahimpapawid ng mga mahahalagang kaalaman na makatutulong upang lubos
na maintindihan ng publiko ang 4Ps lalo na yaong mga benepisyaryo nito nang sa
gayon ay hindi ito basta-basta maniniwala sa kung anumang mga haka-haka o
panlilinlang na gagawin sa kanila.
Namamahagi din sila umano ng mga babasahin
kung saan nakasaad ditong dapat na alamin ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang
kanilang mga karapatan at sundin ang mga alituntunin at kondisyon ng programa.
Tanging ang benepisyaryo at DSWD National
at Regional Office lamang ang maaaring magtanggal sa kanila sa listahan at
hindi ang kung sino man maging opisyal man ito sa barangay o iba pang LGU.
Karapatan din umanong matanggap ng
benepisyaryo ng 4Ps ang mga benepisyong pang-edukasyon at pangkalusugan,
subalit kinakailangang sumunod ang mga ito sa itinakdang mga alituntunin.
Sa pamamagitan ng Compliance Verification
System (CVS), sinusubaybayan ng Municipal Link sa pakikipagtulungan sa mga guro
at health workers ang pagsunod ng mga benepisyaryo sa itinakdang alituntunin ng
programa.
Malinaw din umano na ang paglabag sa
kondisyon at alituntunin ng programa ang tanging makapag-aalis ng isang
benepisyaryo sa masterlist ng 4Ps.
Kung kaya’t hinihikayat ng pamunuan ng DSWD
ang sinuman na magsumbong sa DSWD sakaling mayroong mga nananakot, nagdidikta,
nagbibigay ng maling impormasyon o mga EPAL (mapapel) na nagsasabing
tatanggalin sa listahan ng 4Ps ang isang benepisyaryo kung hindi ito at ang
pamilya nito susuporta o boboto sa isang pulitiko. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment