Monday, April 8, 2013

Araw ng Kagitingan pangungunahan ng PNP Sorsogon



Fall of Bataan Marker (Wikipedia.org)

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 9 (PIA) – Pangungunahan ng Philippine National Police (PNP) Sorsogon Police Provincial Office Police Community Relations bukas, Abril 9, ang isang simpleng aktibidad bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan.

Alas otso sisimulan ang panalangin na susundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, ang Pambansang Awit ng Pilipinas.

Si Governor Raul R. Lee ang magbibigay ng welcome remarks habang naatasan namang magbigay ng closing remarks si Col. Joselito E. Kakilala, ang Brigade Commander ng 903rd Philippine Army.

Nakatakdang magbigay ng mensahe si PNP Sorsogon Police OIC Provincial Director Ramon S. Ranara upang pukawin ang kamalayan ng publiko ukol sa ginawang kabayanihan ng mga magigiting na sundalo at sibilyang Pilipino sa Corrigedor, Bataan noong panahon ng Hapon na nakipaglaban at nag-alay ng kanilang sarili para sa kalayaan at demokrasya ng bansang Pilipinas.

Ang Araw ng Kagitingan na kilala din sa tawag na “Bataan Day” o “Bataan and Corrigedor Day” ay ginugunita taon-taon tuwing ika-9 ng Abril bilang pambansang aktibidad.

Taong 1961 nang ipasa ng Kongreso ang Republic Act 3022 na nagdedeklara ng ika-9 ng Abril taon-taon bilang Araw ng Bataan o “Bataan Day”. Subalit noong taong 1987, sa bisa ng Executive Order 203, narebisa ang lahat ng national holiday sa bansa at napalitan ang “Bataan Day” at naging “Araw ng Kagitingan”. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment