Wednesday, April 24, 2013

Dating Kongresista ng Sorsogon, pumanaw na


Former Rep Jose Solis
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 24 (PIA) – Pumanaw kahapon ang dating Kongresista ng ikalawang distrito ng Sorsogon Jose “Joey” Guyala Solis na kumakandidato sana bilang Independent sa kaparehong posisyon para sa darating na halalan sa Mayo.

Ayon sa ulat na nakarating sa PIA Sorsogon, cardiac arrest ang naging dahilan ng pagpanaw nito habang ginagamot ito sa Estevez Hospital sa Lungsod ng Legazpi sanhi ng sakit sa bato. Makailang ulit na ring naoospital ang dating kongresista at sumasailalim sa dialysis dahilan sa iniindang sakit nito at sanhi na rin ng iba pang mga komplikasyon.

Si Solis ay nagtapos ng kursong Civil Engineer sa Feati university noong 1961 at kumuha ng kursong Applied Geodesy and Photogrammetry sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtapos noong 1971.

Mula 1961 hanggang 1966 ay nagsilbi si Solis bilang Security to the President at Presidential Staff Assistant on Finance, at ng Presidential Security Battalion.

Matagal din itong nagsilbi sa iba’t-ibang mga departamento ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas mula 1968 hanggang 1987.

Pinamunuan din niya ang Committee on Bicol Recovery and Economic Development partikular noong mga panahong dumanas ng matitinding kalamidad ang rehiyon ng Bicol.

Naging administrador din ito ng National Mapping and Resource Information (NAMRIA) at naglunsad ng kauna-unahang mga gawang Pilipino na topo map; kauna-unahang gumamit ng Geographic Information Systems (GIS) technology; Sea Surface Temperature (SST) Mapping Project; gumamit ng Digital Databasing ng Nautical Chart Project; Remote Sensing Project; at nagbigay linaw sa kahulugan at tamang paggamit ng Philippine Reference System.

Nanalo ito bilang Kongresista ng ikalawang distrito ng Sorsogon noong 2001, 2004 at 2007, at kinilala din sya bilang “Most Outstanding Congressman” mula 2001 hanggang 2004.

Si Solis na taga-Bulan, Sorsogon ay pumanaw sa edad na 73 at ang kanyang mga labi ay nasa pangangalaga ngayon ng kanyang asawang si Flocerfida de Guzman. Wala pang napag-uusapan ang pamilya hinggil sa sistema ng gagawing burol sa dating kongresista at kung kailan ang libing nito.

Kung walang papalit na kandidato kay Solis tatlo na lamang ang maglalaban sa pwesto ng pagkakongresista sa ikalawang distrito: si Gullermo De Castro ng partidong United Nationalist Alliance (UNA); Sappho P. Gillego ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP); at kasalukuyang Congressman Deogracias B. Ramos, Jr. ng Liberal Party (LP). (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment