Thursday, April 25, 2013

Sunod-sunod na sunog naitala sa Sorsogon ngayong linggo



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 25 (PIA) – Sa kabila ng mahigpit na panawagan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko na mag-ingat sa sunog, hindi pa rin naiwasan ang dalawang insidente ng sunog sa Bulan, Sorsogon noong Miyerkules, Abril 24.

Sa ulat na ipinalabas ng BFP Bulan, alas-onse y medya ng umaga ng unang maitala ang sunog sa Zone 5 kung saan dalawang kabahayan ang naapektuhan nito na nagtala ng humigit-kumulang sa 20,000 danyos. Nagsimula umano ang sunog na umabot sa unang alarma sa kusina ng bahay ng isang Ricardo Gipaya at agad na nakaapekto din sakatabing bahay na pag-aari naman ni Nicanor Gipaya.

Alas 12:55 ng hapon nang ideklarang fire out na ang sunog.

Subalit, makalipas ang isang oras at labing-limang minuto ay isa na namang sunog ang kailangang respondehan ng BFP sa Zone 4, Bulan na nagtagal ng halos ay tatlong oras.

Labing-apat na mga bahay ng informal settlers ang natupok ng apoy habang isa naman ang naitalang patay na kinilalang si Arcadio Gogolin, 80 taong gulang.

Ayon sa BFP, dapat na doblehin ng publiko ang pag-iingat lalo ngayong napaka-init ng panahon.

Matatandaang noong Lunes, Abril 22, ay nakapagtala din ng sunog sa bayan ng Donsol kung saan limang silid-aralan ng Donsol East Elementary School ang naabo.

Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng BFP sa naganap na sunog sa Donsol at sa Zone 4.

Samantala, muli ding nagpaalala ang BFP sa mga dapat gawin sakaling may sunog, tulad ng agarang pagreport sa pinakamalapit na fire station, agad ding lumabas ng nasusunog na bahay at maghanap ng ligtas na lugar, 

Sa panahong may sunog, ang usok ang kadalasang mas mapanganib kumpara sa apoy kung kaya’t iwasang makalanghap ng usok sa pamamagitan ng pagtatakip ng bibig at ilong ng basang bimpo o tuwalya.

Manatili ding kalmado upang makapag-isip ng maayos at ng dapat gawin. (BARecebido)

No comments:

Post a Comment