LUNGSOD NG SORSOGON, May 29 (PIA) – Isang
pulong ang ipinatawag kahapon ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction
Management Office (SPDRRMO) upang ipaliwanang sa mga kasapi ng Provincial
Incident Command System (ICS) ang mga dapat gawin sakaling maulit sa Mt.
Bulusan ang naganap na phreatic explosion ng Mt. Mayon noong Mayo 8, 2013.
Ayon kay Search and Rescue Team Leader
Manro Jayco ng SPDRRMO, dapat na maintindihan ng mga kinauukulan ang tamang
hakbang na dapat gawin sakaling biglaang maging aktibo ang Mt. Bulusan nang sa
gayon ay walang buhay na mabubuwis.
Sa ganitong uri umano ng kalamidad dapat na
maipatupad ang tinatawag na full safety parameters ng sinumang reresponde.
Kasama sa 4-km Permanent Danger Zone ang
mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, Bulusan, Barcelona, at Gubat. Sa mga
bayang nabanggit, ang mga bayan ng Casiguran, Juban, Irosin, at Bulusan ang may
mga komunidad na direktang maapektuhan at dapat na agarang mailikas.
Sakali umanong maganap ito, dapat na handa
ang lahat ng mga kakailanganin mula sa mga tauhang gaganap, kagamitan at mga
pagkain. Aniya, mahalagang alam ipatupad ng mga kinauukulan ang Group at
Cluster Approach, at agarang maitayo at mapagalaw ang Incident Command System
sa mga panahong nagkakaroon ng sakuna o kalamidad.
Ipinaliwanag din ni Jayco ang
organizational set-up ng ICS sa provincial level; operation section field
set-up; Group Response Approach (GRA); Cluster Response Approach (CRA); at
Branch Response Approach (BRA). Ipinakita din niya ang Bulusan Volcano Hazard
Map upang higit na maunawaan ang mga posibleng komunidad na maaaring
maapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Samantala, nananatiling nasa Zero Alert
level ang Bulkang Bulusan at patuloy pa ring pinapayagan ang mga nais umakyat
na mga turista at mountaineers sa nasabing bulkan. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment