Monday, July 1, 2013

Bicol region kampeon sa 61st National Farm Youth Congress

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 2 (PIA) – Sa kauna-unahang pagkakataon nasungkit ng rehiyon ng Bicol ang pagiging Over-all Champion sa ginawang 61st National Farm Youth (4-H) Congress sa Puerto Princesa, Palawan, noong ika-10 hanggang ika-14 ng Hunyo, 2013.

Ayon kay Farm Youth Development Program Coordinator Alicia Madrideo, naging malaki ang partisipasyon ngayong taon ng rehiyong Bicol dahil sa halos lahat ng kompetisyong nilahukan ay pawang nakapasok ang kanilang mga pambato.

"Produktibong Kabataan: Kaagapay sa Kabuhayan at Kaunlaran", ito ang naging tema ng pagtitipon ngayong taon.

Layunin ng isinagawang aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na maipamalas ang kanilang talento sa larangan ng agrikultura kung saan binuksan ito sa mga kabataang may edad 16-30 taon.

Limangdaang (500) kalahok mula sa 16 na rehiyon sa Pilipinas na binubuo ng 4-H members; mga nanalo sa Gawad Saka 2013 Young Farmer & Young Farmer Organization Category; Regional, Provincial at Municipal 4-H Coordanators; volunteer leaders; International Farm Youth Exchange Alumni; mga tauhan ng Agricultural Training Institute; Municipal Agricultural Officers; at mga magulang ng 4-H memebers ang mga lumahok.

Kabilang sa kategoryang pinaglabanan ng mga lumahok ay ang mga sumusunod: para sa minor events ay ang Quiz Bee; Extemporaneous Speaking Contest; singing contest; at modified poster making contest.

Hinati naman ang major contest sa Root-Crops Based Kakanin contest; Livestock and Poultry Packaging and Labelling Contest; Handicraft Making Contest; at Rice- based Product Development. 

Samantala, nanalo naman ang mga delegado ng Rehiyong Bicol sa mga sumusunod: nasungkit ni Edson Manago ng Poblacion 4-H Club ng Basud, Camarines Norte ang 1st place sa Rootcrop-based Kakanin Cooking Contest; 1st place naman sa Extemporaneous Speaking Contest si Carmela Dianne Doma ng Caditaan 4-H Club ng Magallanes, Sorsogon; at 1st place din si Manuel Odi ng Napilihan 4-H Club ng Vinzons Camarines Norte sa Quiz Bee.

Ang iba pang napanalunan ng Bicol region ay ang Livestock and Poultry Processing with Packaging and Labeling (2nd place); Handicraft Making (2nd place); Poster Making (2nd place); Rice Based Product Development (3rd place) at Original Pilipino Music Vocal Solo (6th placer).


Ang Bicol Region ang itinanghal na kampeon na sinundan ng Region 12 bilang First Runner Up habang ang Region 7 naman ang naging Second Runner Up. Nakakuha ang mga nanalo ng gantimpalang cash prize at tropeo. (Wilmark Lagarde/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment