Thursday, July 18, 2013

Orientation-Briefing para sa mga empleyado isasagawa ng SPDRRMO



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Pangungunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ang gagawing Orientation-Briefing para sa mga empleyado ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon bukas, Hulyo 19.

Ayon kay SPDRRMO Department Head Engr. Raden Dimaano, ang isang araw na aktibidad ay alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act 10121, Rule 10, Section 3.

Aniya, nakasaad sa nasabing probisyon na dapat na sumailalaim sa mandatory training ang mga manggagawa ng pamahalaan kaugnay ng pagpapaigting pa sa kahandaan at pagtugon ng mga ito sa panahong may kalamidad. Partikular na tinututukan nito ang gender responsiveness, sensitivity to indigenous knowledge system, at pagrespeto sa karapatang pantao.

Dagdag din niya na kung handa ang bawat isa sa komunidad, maiiwasan ang pagbubuwis ng buhay at malalaki pang perwisyo sa mga ari-arian sakaling may dumarating na kalamidad.

Kabilang sa mga paksang pag-uusapan ay ang Hydro Met Hazard na tatalakayin ni Weather Specialist Hernando Pantoja, Jr. ng PAGASA-Juban at Geological Hazard lalo na ang mga panganib dala ng lindol at pagputok ng bulkan na tatalakayin naman ni Supervising Science Research Specialist Engr. Eduardo Laguerta ng Phivolcs.

Si Provincial Fire Marshal Chief Inspector Achilles M. Santiago ng Bureau of Fire Protection Sorsogon ang siyang magbibigay ng paliwanag ukol sa mga panganib dala ng sunog.

Matapos ang mga paliwanag ay magkakaroon naman ng open forum kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na makapagtanong upang higit pang maliwanagan ang kanilang mga agam-agam o katanungan kaugnay ng mga paksang tinalakay.

Ang aktibidad ay bahagi din ng obserbasyon ng National Disaster Consciousness Month ngayong taon na may temang “Ligtas na Bayan, Maunlad na Pamayanan”. (BArecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment