Officials of Phil Army Bicol and PNP Sorsogon during the Press Conference. |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 9 (PIA) –
Pinabulaanan ng Philippine Army sa pamamagitan ni 903rd Commanding Officer ng
Philippine Army Col. Joey Kakilala ang isyu ukol sa bintang ng Communist Party
of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CNN) na may
kinuha silang P300,000 na halaga ng pera at wala rin umanong overkill o
paglabag na ginawa ang mga militar sa naganap na engkwentro sa Brgy Upper
Calmayon sa Juban, Sorsogon noong Hulyo 4, 2013.
Sa pamamagitan ng isang powerpoint
presentation, inilahad ni Col Kakilala ang geographical location kung saan
naganap ang engkwentro at kung paanong naganap ang engkwentro sa pagitan ng
31st Infantry Battalion at mga kasapi ng CNN. Ipinakita din sa mga mamamahayag
ang nakuhang kagamitan na kinabibilangan ng mga armas, bala, improvised
landmine devise at mga bag na naglalaman ng personal na kagamitan ng mga
napatay sa labanan.
Sinabi ni Col Kakilala na isa sa mga nakuha
nila ay isang ATM mastercard, at kung sakali mang may pera nga, para sa kanya
ay mas makabubuting ibigay na lamang ito sa pamilya ng mga nasawi sa
engkwentro.
Ayon naman kay Scene of the Crime
Operatives (SOCO) Sorsogon head PCI Gregorio M. Villanueva, wala pang resulta
ang imbestigasyon nila at nasa kamay pa ng mga doktor ng pamahalaan ang
pagsusuri sa mga narekober na bangkay.
Sinabi din ng mga opisyal na malaking
tulong ang mulat nang mga residente sa barangay na nagpapa-abot sa kanila ng
impormasyon dahilan upang maisagawa nila ng matagumpay ang kanilang operasyon
laban sa mga rebelde sa pamahalaan.
Ang mga residenteng ito ay nagsasawa na rin
umano sa pangingikil at kaguluhang hatid ng mga rebelde sa kanilang lugar na
nagiging hadlang upang matamasa nila ang mapayapa at higit na maunlad na
pamayanan.
Sinabi naman ni 9ID Philippine Army Acting
Spokesperson Lt Col. Medel Aguilar na hindi nila ikinatutuwa na may mga
namamatay na kapwa Pilipino at nadadamay na mga sibilyan dahilan lamang sa mga
walang katuturang labanan. Nawa’y magsilbi umanong halimbawa ang nangyari doon
sa mga Pilipinong mas pinili o balak pang piliin ang pagtahak sa maling landas.
Mahigpit din ang naging panawagan ng mga
opisyal sa mga mamamahayag na tulungan ang pamahalaan sa paghikayat sa mga
rebelde na isuko na ng mga ito ang kanilang armas, at bagkus ay kondenahin ang
maka-komunistang prinsipyo at magbalik-loob sa pamahalaan at mamuhay ng
mapayapa nang sa gayon ay makamit na ang tunay na pag-unlad ng mga pamayanan sa
buong rehiyon. Maaari umanong makipag-ugnayan ang mga residente sa barangay o
ang publiko sa Philippine Army sa pamamagitan ng mga numerong ito: (GLOBE)
0917-5581-317 at (SMART) 0939-9075-314. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment