Thursday, July 18, 2013

SSF Project sa Sorsogon ilulunsad ng DTI



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 18 (PIA) – Nakatakdang ilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon bukas, Hulyo 19, ang dalawang proyektong tinawag nilang Shared Service Facility (SSF) na may kaugnayan sa mga nasa sektor ng pagkain sa lalawigan ng Sorsogon.

Ayon kay Public Information Officer Senen Malaya ng DTI Sorsogon ang SSF ay isa sa mga prayoridad na programang ipinatutupad ng DTI  para sa pagpapaunlad pa ng Micro, Small and Medium Enterprise (MSME) sa lalawigan.

Aniya, isa sa mga SSF na tinagurian nilang Sorsogon City Food Processing and Packaging Facility ay tutugon sa pangangailangan ng iba-ibang kagamitang pang-industriya na kailangan ng mga nagpoproseso ng pili, prutas at gulay.

Kasama din dito ang pagbibigay ng mga kagamitan sa pagpoproseso at pagbabalot ng mga produkto na higit pang magpapa-angat sa antas ng produksyon at kalidad ng mga produktong pagkain ng mga gumagawa nito sa Sorsogon.

Ayon pa kay Ginoong Malaya, ang SSF na matatagpuan sa Sorsogon State College Sorsogon City Campus ay nagkakahalaga ng P875,000.

Bilang co-operator, ang SSC ang susubaybay sa operasyon ng pasilidad na inaasahang tutulong sa 72 na mga SME sa buong lalawigan at makapagbibigay ng 120 trabaho sa mga Sorsoganon.

Kasama din sa ilulunsad ang Prieto Diaz Deboned Danggit Processing Project na matatagpuan sa Brgy. Sabang, Prieto Diaz, Sorsogon. Layunin naman ng proyektong ito na nagkakahalaga ng P675,000 na matulungan ang mga nasa industriya ng pagpoproseso ng isda.

Cooperator naman nito ang Seamancor Eco-Developers (Seamancor), isang people’s organization na nagsusulong sa pangangalaga sa ekolohiya at pagpapalago ng kabuhayan. Inaasahang mabibiyayaan ng produktong ito ang 20 nagpoproseso ng isda o danggit sa Pto. Diaz at katabing mga bayan nito. Inaasahan ding makapagbibigay ito ng 130 trabaho.

Maliban sa ilulunsad na SSF, may apat pang prayoridad na proyekto ang DTI-Sorsogon na inaprubahan na rin ng DTI Regional Office 5. Ito ay ang SSF na kinabibilangan ng mga kagamitan para sa mga tagahabi ng produktong handicraft sa mga bayan ng Barcelona at Casiguran kasama na ang Bacon District sa Sorsogon City pati na rin ang industrial-type na gamit para sa pagpapaganda pa ng mga produktong bamboo o kawayan.

Sa kabuuan, umaabot sa P5,085,500 ang halaga ng anim na mga pasilidad na ito at tinatayang makapagbibigay ng 1,000 trabaho sa mga Sorsoganon.

Ayon pa kay Ginoong Malaya, target ng DTI-Sorsogon na makumpleto ang kabuuang bilang na 10 SSF sa probinsya ng Sorsogon ngayong taon. (BARecebido, PIA Sorsogon/DTI)


No comments:

Post a Comment