Tuesday, August 6, 2013

Operasyon ng planta ng niyog sa Sorsogon City ipapasara na

Sorsogon City Mayor Sally A. Lee

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Agosto 7 (PIA) – Matapos ang halos ay apat na buwang pagrereklamo ng mga apektado ng operasyon ng Peter Paul Philippines Corporation, isang planta ng niyog sa Brgy. Cabid-an, lungsod ng Sorsogon, positibo silang makakahinga na rin sila ng maluwag dahilan sa desisyon ni Sorsogon City Mayor Sally A. Lee na tuluyan nang ipasara ito.

Halos ay iisa ang adhikain ng mga taga-lungsod, na maipatigil na ang operasyon ng Peter Paul Phililippines Corp. dahilan sa hindi nito pagsunod sa Environmental Compliance Certificate (ECC) na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) at sa kawalan nito ng kaukulang mga dokumento at permit mula sa pamahalaang lungsod ng Sorsogon.

Matatandaang Marso 2013 nang magsimulang magreklamo ang mga mangingisda dahilan sa naganap na fish kill sa isang fish pond at sa mabahong amoy malapit sa planta. Apektado din nito ang ilan pang mga mangingisda sa Sorsogon Bay at maging ang kalapit nitong Retreat House at paaralan ng isang kongregasyon ng mga madre kung saan ilan na rin ang napabalitang sumakit ang ulo, nagsuka at nagkasakit na mga mag-aaral dahilan sa napakabahong amoy na malalanghap mula sa factory.

Ayon kay Diocesan Commission Director Fr. Bong Imperial ng Commission on Media for Evangelization ng Diocese of Sorsogon, nagsimula ang problema nang matuklasan ng mga mangingisda ang pangingitim ng mga kanal at ilog na dumadaloy sa Cabid-an River mula sa nasabing planta. Humingi umano ng tulong sa kanila ang mga ito at sa pananaliksik nila, lumabas na ilegal ang operasyon ng planta dahilan sa kawalan nito ng kaukulang mga dokumentong kailangan upang makapagtakbo ng multi-milyong proyektong katulad nito. Napag-alaman ding may mga paglabag ang kompanya sa labor practice.

Sa ginawang deliberasyon sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod kahapon, inirekomenda na rin ng mga kasapi nito sa alkalde ng lungsod na ipatigil ang operasyon ng planta hanggang sa maisumite nito ang lahat ng mga rekisitos na kailangan para sa maayos, malinis at makakalikasang operasyon nito.

Ayon kay Sangguniang Panlungsod Committee on Good Governance Chair Atty. Joven Laura, dahilan sa napakaraming paglabag ng kompanya ay dapat lamang na ipasara ito.

Kabilang sa mga naitalang paglabag ay ang mga sumusunod: walang Buisiness Permit mula sa tanggapan ng City Mayor; walang Permit to Operate; walang Wastewater Discharge Permit; temporary lamang ang Sanitary Permit nito na magtatagal hanggang ngayong buwan na lamang ng Agosto; walang Building Permit sa lahat ng mga itinayong istruktura nito pati na ang Waste water Treatment Facility; at wala ring Zoning Permit, dagdag pa dito ang paglabag sa halos ay sampung batas sa kalikasan.

Sinabi naman ni Mayor Lee na handa siyang ipatupad anuman ang maging rekomendasyon ng City Council kung kaya’t inihayag niya ang tuluyang pagpapasara simula ngayong araw, Agosto 7, 2013.

Ang Peter Paul Philippines Corporation ay mayroon ding kahalintulad na planta sa Candelaria, Quezon at target sana ng planta dito sa Sorsogon City na makapagproseso ng 145,000 metriko tonelada taon-taon ng sabaw ng buko at iba pang produktong galing sa niyog. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment